MANILA, Philippines – Sa kabila ng pagbubunyag kahapon ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na may tangkang terrorist attack sa pagdiriwang nga¬yong araw ng pista at prusisyon ng Black Nazarene sa lungsod ng Maynila, ay milyong milyong deboto pa rin ang dumalo at kasalukuyang nakikiisa sa pagdiriwang.
Ang nasabing impormasyon ay opisyal na natanggap ng Pangulo sa kanyang intelligence community na naging dahilan upang biglaan magpatawag ng press conference sa Malacañang upang personal na balaan ang mga dadalong deboto sa naturang okasyon.
Inatasan ng Pangulo ang buong security forces sa pangunguna ng pulisya na magpatupad ng maximum security sa okasyon upang maharang ang masamang plano at maproteksyunan ang mga dadalong deboto. Ipinag-utos din ang pagbabawal sa pagdadala ng mga debotong lalahok sa aktibidad ngayong araw ng firearms, fireworks at maging ng cellphones at sinumang makikitang may dala nito ay agad na dadak¬pin ng pulisya.
Samantala, ayon sa mga pinakahuling balita, umabot na sa 324 ang mga nasaktang deboto sa makasaysayang paggunita sa Kapistahan ng Black Nazarene sa Maynila ngayong araw na ito ng Lunes.
May bilang na 137 ang inulat ng Philppine Red Cross na kanilang sinaklolohan bandang alas dos ng hapon. Samantala, umabot naman sa 107 ang inasisitihan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Ang Fire Emergency Response and Emergency Group (Fepag), sa kabilang banda ay umasiste ng 80 deboto.
Tinatantyang aabot mula anim hanggang 8 milyon ang mga debotong dadalo sa prusisyon bilang paggunita sa ika-405 pagdiriwang ng paglilipat ng banal na Nazareno mula sa Recollect Church sa Intramuros, Manila sa Quiapo Church noong 1787.
Inaasahang magtatagal mula 10 hanggang 12 oras ang naturang prusisyon.