Manila – Pinagbigyan ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) ang hiling ng mga abogado ni dating pangulong at ngayon’y Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo na pahabain pa ng tatlong araw ang pananatili sa St. Luke’s Medical Center sa Global City Taguig hanggang sa araw ng Biyernes.
Ayon sa mga abogado ni Gng. Arroyo ay hindi pa natatapos ang isinasagawang renovation sa Presidential Suite ng VMMC, kabilang ang pagpapalit ng bath tub at panibagong flooring na inia-akma sa kalagayan ng kanilang pasyente.
Kaagad namang inatasan kahapon ni Judge Jesus Mupas ang court sheriff na magtungo sa VMMC at inspeksyunin ang isinasagawang renovation upang matiyak na wala ng magiging sagabal pa sa paglilipat kay Gng. Arroyo sa naturang pagamutan sa araw ng Biyernes.
Nauna nang naglabas ng desisyon si Judge Mupas na ngayon araw (Disyembre 6) na dapat ilipat ng VMMC si Arroyo.
Samantala, pansamantalang pinayagan din ni Mupas ang paggamit ng cellphone at laptop ng dating pangulo matapos magsumite ang kanyang mga abogado ng supplemental motion for partial reconsideration for the use of laptop and cellphone.
Binigyan ni Mupas ng 15-araw ang magkabilang panig na magsumite ng kani-kanilang katugunan sa hiling ng mga abogado ni Arroyo.
Kinuwestiyon naman ni Senador Jinggoy Estrada ang kahilingan ni Arroyo na makagamit ng laptop at cellphone sa loob ng VMMC.
Pabor naman si Senator Panfilo Lacson na gumamit ng nasabing mga gadget si Cong. Arroyo para magawa diumano nito ang kanyang trabaho bilang kongresista habang naka-hospital arrest sa VMMC.