in

Habagat, sinalanta ang Metro Manila at mga katabing lalawigan

Maynila – Agosto 8, 2012 – Umabot sa 53,951 pa­milya o 250,200 katao ng Metro Manila at mga katabing lalawigan ang inilikas at ni-rescue kahapon ng mga team ng Armed Forces of the ­Philippines (AFP), Philip­pine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Red Cross (PRC), katuwang ang mga lokal na pamahalaan at ang ­Metro Manila Development ­Authority (MMDA).

Ang bilang ng mga nasawi ay umabot sa 59 katao, kabilang ang siyam na nalibing sa landslide sa Bgy. Litex, Quezon City, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, ay binantayan ang Talayan area at Bgy. Bagong Silangan sa Quezon City matapos umapaw ang La Mesa Dam; ang Marikina City dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig sa Marikina River gayun din ang San Juan River; ang Malabon, Navotas at Caloocan City dahil sa pag-apaw ng Tullahan River; ang Muntinlupa City malapit sa Laguna Lake at iba pang lungsod at munisipalidad na lumubog sa malaking baha.

Pinakamatindi umanong naapektuhan ng baha ang Bgys. Tumana, Nangka at Malanday sa Marikina City dahil sa lumampas sa bubong ng mga bungalow ang baha bandang alas-12:00 ng tanghali. 22 eva­cuation centers ang binuksan para masilungan ng 4,271 pamilya o 23,331-katao, ayon kay Vice ­Mayor Jose Fabian Cadiz.

Ayon naman sa Quezon City Police District, bandang alas 12:00 din ng tanghali ay umaabot sa 28,211 ang nailikas sa Novaliches. Ang Talayan area, Bgy. Bagong Silangan, Payatas at North Fairview ay matindi ring nasalanta ng Habagat.

Sa Muntinlupa City ay umabot naman sa 2,000 ang pamilyang inilikas dahil sa posibleng pag-apaw ng Laguna Lake.

Ayon kay Manila City Administrator Jay Marzan, 60% ng kalsada sa lungsod ang lubog sa baha at hindi madaa­nan. Umabot din sa 6,000 ang inilikas mula sa Happy Land at Baseco, Tondo.

Mahigit 100 pamilya naman ang inilikas ng Mandaluyong City government, tulad ng Kalentong area na hanggang dibdib ang baha.

Sa Makati City, 35 pamilya ang inilikas mula sa Bgy. Cembo na epekto umano ng pag-apaw ng Pasig River. Anim na kalsada ang hindi madaanan ng sasakyan sa lalim ng baha.

Hindi rin madaanan ang Alabang-Zapote Road sa Las Piñas City dahil sa hanggang bewang na baha.

Umapaw ang ilog sa Bgy. San Dionisio, Parañaque City, pati na ang creek sa Bgy. San Antonio at Moonwalk, ayon kay Cong. Roilo Golez. Ang kahabaan ng Sucat Road mula sa SM City Sucat at Evacom ay nagmistulang dagat sa lalim ng baha dakong alas-singko ng hapon.

Dakong alas-11:00 naman ng umaga ay isinara sa trapiko ang Balin­tawak, Valenzuela, Marilao at Mey­cauayan exits ng North Luzon Expressway (NLEx) dahil hindi na rin ito madaanan ng sasakyan dahil sa mataas na baha. Subalit bago gumabi ay pinadaanan na rin sa paghupa ng tubig.

Sa lalawigan ng Rizal, limang bayan ang lumubog sa baha dahilan upang ilikas ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ang 3,272 pamilya o 14,942-katao mula sa San Mateo, Cainta, Rodriguez, Taytay at Angono.

Samantala ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ay pansamantalang hihinto ang ulan ngunit ito ay magpapatuloy hanggang gabi ng Miyerkules bagaman hindi na tulad ng pag-ulang naganap ng araw ng Lunes at Martes.

Pinapayuhan ang publiko na patuloy na bantayan ang weather conditions at ang mga susunod na updates mula sa PAGASA.

 

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Pinoy, kusang loob na sumuko

20 finalists sa Miss Italia nel Mondo Special Edition