Maynila – Pebrero 18, 2013 – Malakipas ang higit sa isang buwan matapos simulang ipatupad ang election gun ban noong Enero 13 ay halos 1,000 na ang nahuli ng Philippine National Police (PNP) na lumabag dito.
Ayon sa mga pinakahuling ulat ng Task Force Safe and Fair Elections (SAFE) 2013, umabot na sa 992 ang mga nahulihan ng baril at 896 ng mga ito ay mga sibilyan, 64 ang mga security, 13 ang mga pulis, 12 ang mga taga-gobyerno, 5 ang mga sundalo at 1 bumbero.
May kabuuang bilang ng 962 ang iba’t ibang uri ng baril na nakumpiska, 251 naman ang mga patalim, 28 ang mga Granada, 27 gun replica at 4,763 naman ang mga bala.
Ang PNP ay patuloy ang pagpapaalala na bawal ang pagdadala ng baril kahit may lisensya o permit to carry kung walang angkop na gun ban exemption mula sa Commission on Election.
Samantala, sa pamamagitan ng mga Comelec Resolutions No. 9561-A at 9608 ay ipinalabas ang listahan ng 47 ahensya ng gobyerno at mga uri ng private organizations na pinahihintulutan sa pagbibitbit ng armas ang mga empleyado at miyembro sa limang buwang nabanggit.