Matapos ihain kay Arroyo ang arrest warrant sa VMMC (Veteran's Memorial Medical Center) nitong Oktubre ay mananatili ang dating pangulo sa hospital arrest sa ilalim ng limang kundisyon.
Roma, Oktubre 19, 2012 – Limang kundisyon ang ibinigay ng graft court kapalit para sa pananatili sa hospital arrest ni Arroyo:
– kinakailangang manatili lamang sa VMMC si Arroyo;
– mayroong kabuuang kontrol ang Philippine National Police (PNP) sa kanyang mga bisita;
– ang mga telepono lamang ng Police Security and Protection Group (PSPG) ang maaaring gamitin ni Arroyo;
– ipinagbabawal ang pagbibigay ng panayam sa media na walang pahintulot o clearance, at
– ang akusado ang magbabayad sa gastusin ng kanyang confinement at mga gamot.
Matatandaang pinahintulutan ng Sandigangbayan noong nakaraang Miyerkules ang petisyon mula sa panig ni dating Pangulo na ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang manatili sa ospital at pansamantalang hindi muna ilipat sa kulungan.
Kasalukuyang naka hospital arrest si Arroyo dahil sa plunder case na inihain laban dito kaugnay sa diumano’y paggamit sa intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office magmula noong 2008 hanggang 2010.
Samantala, wala pa ring desisyon ang Sandigangbayan ukol sa heart examination sa Philippine Heart Center ni Arroyo. Kailangan diumanong makakuha muna ng mas maraming detalye ukol sa kalagayan nito.