ISABELA – Nagkukumahog ang mga relief workers para maisalba sa pagkakagutom at mabigyan ng mga pangunahing pangangailangan ang may 20,000 katao sa tatlong malalayong coastal towns na labis na sinalanta ng super typhoon ‘Juan’.
Umaabot na sa 19 ang nasawi sa nasabing kalamidad.
Ayon kay Isabela Gov. Faustino Dy, kung saan ang kanyang lalawigan ang labis na sinalanta ng nasabing bagyo, ang mga residente sa tatlong costal towns ng Maconacon, Palanan at Divilacan ang dumanas ng labis na pagkasira sa kanilang mga tahanan at limitado na lamang ang kanilang supply ng pagkain matapos hampasin ng malalakas na alon ang mga daanan.
Si Dy na nagtungo sa mga grabeng sinalantang lugar sakay ng helicopter.
Sinabi ni regional social welfare chief Arnel Garcia na plano ng gobyerno na magpadala ng mga pagkain at tent sa mga apektadong bayan subalit ang air at sea travels ay kapwa delikado.
Samantala, tinatayang aabot sa 14 mga bayan ang apektado ngayon sa pagbaha , lalo na sa mga mabababang lugar sa lalawigan ng Isabela matapos magpakawala ng tubig (190.84 cubic meter per second) ang Magat irrigation at hydroelectric power plant na nasa pagitan ng Isabela-Ifugao dahil sa pangambang umapaw ito bunsod ng patuloy na pag-uulan sa nasabing lalawigan.
Kaugnay nito, aabutin pa ng isang linggo o higit pa bago magkaroon ng kuryente sa Isabela at Cagayan na lubhang pininsala ng super typhoon ‘Juan’.