Manila – Pinagbigyan ng Korte Suprema ang hinihinging temporary restraining order (TRO) ni Gng. Arroyo na nangangahulugang wala nang bisa ang ipinalabas na watchlist order (WLO) ng Department of Justice (DOJ). Samakatwid ito ay maaari nang makalabas ng bansa upang makapagpagamot.
Ang walo diumano ang bumoto at pumabor sa petisyon ni Arroyo na pawang mga appointee nito na sina Chief Justice Renato Corona at Associate Justices Presbitero Velasco Jr., Arturo Brion, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Roberto Abad, Martin Villarama at Jose Perez.
Lima naman ang tumutol sa TRO na sina Associate Justices Maria Lourdes Sereno, Bienvenido Reyes, Estela Perlas-Bernabe, pawang mga appointee naman ni Pangulong Benigno. ‘Noynoy’ Aquino III, at sina Associate Justice Jose Mendoza at Senior Justice Antonio Carpio.
Walang indikasyon ng petsa sa TRO, malinaw lamang na SC lamang ang maaaring magtanggal o mag-lift o magbigay ng ‘immediately executory’ nito.
Samantala, malinaw ang mga kondisyon sa paglabas ng bansa ng dating Pangulo. Inatasan ang mag-asawang Arroyo na maglagak ng bond na P2 milyon at kailangan na mag-report ito sa Philippine consulates sa mga bansa na nais nilang bisitahin at dapat umano na makipagkoordina ang legal counsel ng dating pangulo sa bawat biyahe na gagawin ni Ginang Arroyo. Kailangan din na magkaroon ang mga ito ng legal representative na siyang tatanggap ng mga legal document gaya ng subpoena. Malinaw rin na ang TRO ay para lamang sa mag-asawang Arroyo.
Sakaling lumabag umano ang mga Arroyo sa mga kondisyon ay maaaring maghain ng manifestation ang pamahalaan at aaksyunan naman ito ng SC.
Samantala, kumprimado na ang dating Pangulo ay nasa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at paalis na patungong Singapore kasama ang asawa nitong si Jose Miguel ‘Mike’ Arroyo kagabi.
Ayon sa mga ulat, mayroon diumanong hawak na kopya ng temporary restraining order (TRO) na inisyu ng Korte Suprema.
Gayunpaman, nilinaw naman ng immigration officials sa NAIA kagabi na hindi nila maaaring kilalanin ang hawak na TRO dahil dapat munang iproseso ito sa tanggapan ng Bureau of Immigration (BI) ni Immigration Commissioner Ricardo David Jr. Isang memorandum pagkatapos ang ilalabas nito na magpapawalang bias sa WLO na nauna nagng ipinalabas ng DOJ.