Kaybilis po talaga ng panahon: Ito na po ang ikatlong bagong taon na ipagdiriwang ng sambayanan sa tuwid na daan. At hindi po maikakaila: sinasalubong natin ang bawat pagpapalit ng taon, nang may matibay na pag-asa, at kompiyansang mas magiging makabuluhan, at higit na makahulugan ang mga susunod pang taon sa landas ng tapat at mabuting pamamahala.
Ang taong 2012 ay parehong panahon ng pagsubok at tagumpay. May ilan mang lubak sa ating paglalakbay; may mga pilit mang humadlang sa ating mga positibong hakbang; nanaig pa rin ang adhika nating ituwid ang baluktot na sistema, at baguhin ang dinatnan nating kalagayan ng bansa.
Kung dati, milyun-milyong tonelada ng bigas ang nabubulok sa mga warehouse dahil sa maling pamamalakad, ngayon, dahil sa tamang pamamahala, hindi na lamang rice self-sufficiency, kundi ang pag-eexport ng matataas na klase ng bigas ang habol natin pagdating ng 2013.
Ang minana natin mula sa ating sinundan: 66,800 na kakulangan sa silid aralan. Ang pamana ng tuwid na landas sa mga kabataan: sapat na classroom, sapat na mesa’t upuan, sapat na aklat, para sa kanilang mas mayamang kinabukasan.
Matagal rin po tayong binansagang “Sick Man of Asia.” Subalit dahil sa pambihirang arangkada ng ating ekonomiya, sunud-sunod ang mga namumuhunan sa ating bansa. At mukhang magpapatuloy ang ganitong kompiyansa ng mundo sa atin: ang 7.1 percent na pag-angat ng GDP nitong 3rd quarter, ay higit sa inaasahang target ng mga dalubhasa, at siyang pinakamataas sa buong Timog Silangang Asya.
Hindi lang po rito natatapos ang pagbuhos ng mabubuting balita, tagumpay at biyaya sa bansa. Mula sa patuloy na pagangat ngall time high ng Philippine Stock Exchange, hanggang sa pagpapanday ng pangmatagalang kapayapaan sa Bangsamoro; Mula sa pagliwanag ng libu-libong mga sitio, hanggang sa pagkakapasa ng ilang makasaysayang batas; mula sa pagpapantay sa timbangan ng katarungan, hanggang sa kahandaan at bayanihan ng sambayanan sa harap ng mga pagsusungit ng kalikasan, pinapatunayan natin sa buong mundo: basta’t handa tayong gawin ang tama’t magsakripisyo para sa ating kapwa; basta’t sumasagwan tayo nang sabay sa ngalan ng sambayanan; walang pangarap na hindi kayang abutin ang ating bansa.
Simula lamang po ito. Sa totoo lang po, ang kaisa-isang limitasyon natin sa tayog ng ating mararating ay ang ating ambisyon. Nasa pagtutulungan at tiwala natin sa isa’t isa ang susi ng tagumpay. Ang 2013 ay kritikal na yugto sa ating krusada ng pangmatagalang kaunlaran at tuwid na pamamahala. Ngayong bagong taon, mas maigting na pagkakaisa ang kailangan. Umaasa akong magiging mapanuri ang taumbayan sa pagkilatis ng mga itatalagang pinuno.
Ang mga pinunong ito ang tutugon sa panawagan nating isulong ang dangal at katapatan sa paglilingkod-bayan; Ang mga pinunong ito ang aasahan nating didilig sa mga repormang ating ipinunla.
Kaya naman mahalaga ang ating paninindigan at pagtitimbang kung saang direksyon tutungo ang ating bansa: Sabay-sabay ba tayong sasagwan patungo sa landas kung saan nangingibabaw ang kapakanan ng Pilipino? O hahayaan lang natin na muling matangay ang Pilipinas sa mga daluyong ng panlalamang, pagkakanya-kanya’t kurapsyon?
Ang aking hiling ngayong 2013: ituloy lang natin ang bayanihan. Kapit-bisig tayong humakbang tungo sa maliwanag at masaganang kinabukasan ng ating bayan.
Muli po, kasama po ninyo akong umaasa na ang ating bagong taon ay ‘di hamak na mas maganda sa nakalipas na taon.
[Ika-31 ng Disyembre 2012]