Maynila, Disyembre 23, 2013 – Ang kwento po ng Pasko ay nagsisimula sa paghahanap ng tatlong hari sa Mesiyas. Sa kabila ng kadiliman ng gabi, naging tanglaw sa kanilang paglalakbay ang liwanag mula sa bituin ng Bethlehem. Ito ang nagsilbing gabay upang matagpuan nila sa isang munting sabsaban ang banal na tagapagligtas.
Tuwing sasapit ang Pasko, laging inaasahan ng sambayanang Pilipino ang pagsasalo-salo ng pamilya’t mga kaibigan. Para naman sa mga kababayan natin sa ibang bansa, isa ito sa mga pinakamahirap na panahon, dahil sa kanilang pagkawalay sa mga mahal sa buhay. Sa kabila nito, iisang lahi pa rin tayong nagdiriwang tuwing Pasko; saanman tayo sa mundo, iisang pamilya pa rin tayong mga Pilipino.
Malinaw natin itong naipamalas sa mga nagdaang trahedya’t pagsubok sa bansa. Kamakailan, naglibot po tayo sa mga komunidad na naging biktima ng lindol sa Bohol, at binisita ang mga kababayang sinalanta ng Bagyong Yolanda. Katulad po ng bituin ng Bethlehem na nagsilbing liwanag at inspirasyon sa tatlong hari, napuno rin tayo ng sigla at pag-asa sa katatagan ng ating mga kababayan, sa kabila ng trahedyang kanilang naranasan. Sa Bohol, dapang-dapang na sila sa sakuna, pero ako po mismo ang nakakita: Tunay pong bumabangon at lumalaban sila.
Marahil, ito po ang isa sa pinakamahalagang aral sa atin ng Poong Maykapal: Gawin lamang natin ang lahat ng ating makakaya, at ang Diyos Ama na ang pupuno sa ating mga kakulangan. Inialay ng Panginoon ang kanyang bugtong Anak na si Hesukristo, at nagsilbi Siyang mabuting ehemplo: Hindi man siya obligado, hindi man siya pinilit ng kahit sino, pinili niyang magsakripisyo bilang tao at isalba sa kasalanan ng sangkatauhan. Sa di hamak na mas maliit na hinihiling sa atin, tayo ba ay magkukulang pa? Sa palagay ko po ay hindi na.
Sa nalalapit pong Pasko, ipinapaalala sa atin ang buod ng ating pagiging Kristiyano: ang pagmamahal—ang pagmamahal sa atin ng Diyos Ama sa pag-aalay Niya ng kanyang bugtong anak upang lahat tayo ay mailigtas; ang pagmamahal at pag-aaruga nina San Jose at Birheng Maria kay Hesus upang magampanan Niya ang kanyang banal na tungkulin; at ang pagmamahal ng mga Apostoles kay Kristo sa pagsasabuhay ng kanyang mga aral.
Ngayong Pasko, pag-alabin nawa natin ang liwanag ng pagmamahal na alay ni Hesukristo. Maging tanglaw tayo ng pag-asa sa ating kapwa-Pilipino.
Isang maligayang Pasko po sa ating lahat.