“Noynoying”, ito ang bagong bansag ng militanteng grupo kay Pangulong Benigno Aquino III na nagpapahiwatig ng katamaran at kakulangan ng kakayahan na resolbahin ang mga problema ng bansa.
Rome, Marso 19, 2012 – Noong nakaraang Huwebes sa halip na magsagawa ng planking ang mga sumama sa transport caravan ay ipinakita ng mga ito ang bagong gimik na “Noynoying” kung saan pinalalabas na nakatunganga lang at walang ginagawa ang Pangulo sa mga problema ng bansa.
Ayon kina Sen. Francis Escudero at Teofisto Guingona III, hindi makatuwiran ang paratang ng mga demonstrador na walang ginagawa si Pangulong Aquino. Para sa dalawang senador ang bagong gimik ng mga demonstrador kontra sa pagtaas ng presyo ng langis ay tila pambabastos sa Pangulo gayun din sa tanggapan nito.
Samantala, lumabas naman sa mga pahayagan ang litrato ng Pangulo na nagtatrabaho na sinasabing bahagi ito ng damage control ng pamahalaan sa inilunsad na “Noynoying” protest ng mga kabataang militante.
Isang bagay na itinanggi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte dahil ang Pangulo ay nakikita namang tunay na nagtatrabaho kahit wala itong public engagements at walang dahilan para gumawa ng “damage control” sa inilunsad na protesta ng militanteng grupo dahil sa pagiging inutil at kawalan umanong aksyon ng pamahalaang Aquino sa sunud-sunod na oil price hike.
Gayunpaman, ang bagong terminong “Noynoying” na nagmula umano sa palayaw ng Pangulo na siyang ginagamit ng mga militanteng grupo para galitin ang administrasyon ngunit wala naman umano itong epekto sa Malacañang.