Rome, Nob 7, 2012 – Nagpahayag si Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ng pag-asa na mabilis na ipapasa ng Senado ang mahahalagang amyenda sa Overseas Absentee Voting (OAV) Act.
Ang pahayag ay ginawa ng Senador isang araw matapos ang sponsorship speech ukol sa Senate Bill No. 3312 amending ra9189 (oav law), kung saan binigyang diin ang tatlong amendments sa sb 3312 na siguradong magpapabuti sa registration at magiging resulta ng botohan sa mga susunod na Oav. Inaasahang ito ay ipatutupad sa 2016 national elections.
Ito ay ipinasa ng komiteng pinamumunuan ng Senador, ang Senate committee on electoral reforms and people’s participation, sa ilalim ng Committee Report No. 446.
Sa ilalim ng Amended OAV Act, ay kabilang ang pinapangarap ng mahigit 13 milyong Pilipino sa labas ng bansang Pilipinas na sila ay makapagparehistro at makaboto “online” o sa pamamamagitan ng Internet. Hindi na kailangan pang magtungo ng mga Pilipino na nasa abroad sa iba’t ibang konsulado at embahada ng bansa para magparehistro at bumoto, bagkus ay kailangan na lang nilang magbukas ng computer at kumunekta sa itatayong online registration at voting system ng Commission on Elections (Comelec).
Kabilang din ang kanselasyon sa sec 5d ng ra9189 na nag-oobliga sa mga permanent residents at immigrants ang pagsasagawa ng affidavit ukol sa hangaring pagbabalik sa Pilipinas.
Samantala, sa pagtatapos ng oav registration noong Oct 30 ay umabot sa 915,000 ang mga rehistrado. Kahit kulang ng 85,000 para maabot ang 1M target, nananatiling pinakamataas ang resultang ito simula ng ipatupad ang Oav noong 2004.