Nitong Biyernes, humagupit sa malaking bahagi ng Kabisayaan ang Bagyong Yolanda. Isa ito sa pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng bansa, kung di man ng buong mundo. Nagpapasalamat po tayo sa mga dalubhasa mula sa PAGASA, Mines and Geosciences Bureau, Phivolcs,at DOST, na kumalap at nagbigay ng tama at detalyadong impormasyon na naging dahilan upang makapaghanda nang maayos ang ating mga kababayan. Ito ang nagbigay-daan para sa iniuulat na mababang casualty count mula sa ilang mga probinsyang dinaanan din ng bagyo, tulad ng Oriental at Occidental Mindoro, Negros Occidental, Palawan, Aklan, at Romblon, kung saan maagang nakapaghanda ang lokal na pamahalaan.
Sa kabila po nito, personal din nating nasaksihan ang matinding pinsalang idinulot ng bagyong ito sa Leyte at Samar. Dito sa kung saan tila naembudo ang mga storm surge ni Yolanda nakita ang pinakamabigat na pinsala, at dito nakatutok ang ating pagbibigay lingap sa mga sandaling ito.
Humihingi rin po tayo ng pang-unawa sa lahat. Sa paghahagupit ni Yolanda, nawalan ng kuryente at komunikasyon sa maraming lugar. Apektado po nito, hindi lamang ang pakikipag-ugnayan ng mga nais makasigurong ligtas ang kanilang mga kaanak, kundi pati na rin ang koordinasyon ng ating relief efforts. Para mapadala ang pangangailangan, kailangan nating malaman ang kakulangan ng bawat lugar; nahirapan po tayong makuha ang mga datos na ito. May ilang lokal na pamahalaan, sa lakas ng delubyo, na bumigay din po dahil kabilang sa mga nasalanta ang kanilang mga tauhan at opisyal. Isipin po ninyo, bumalik tayo sa situwasyon kung saan pasa-pasa ang impormasyon—walang TV, cellphone, o internet; sarado ang mga tindahan; hindi naging madali ang pag-oorganisa ng relief efforts. Naging ugat po ito ng kaguluhan sa ilang mga lugar.
Dito po’y papasok ang pambansang pamahalaan. Imbis na dumagdag lamang tayo sa lakas ng mga komunidad, kinailangang manguna ng pambansang gobyerno. Nilinis ng DPWH ang mga kalsadang binagsakan ng malalaking puno at mga poste ng kuryente ; lahat ng naireport na bara ay nabuksan na. Ayon na rin sa kahilingan ng mga lokal na opisyal, nagpadala tayo ng karagdagang 800 mga sundalo at pulis sa Tacloban upang ibalik ang kaayusan. May tatlong repacking center po tayong naglalabas ng di baba sa 55,000 mga family food pack kada araw; inatasan na po natin si Secretary Abaya ng DOTC upang imando ang pagdadala ng mga relief goods kung saan ito pinakakailangan.
Inuna natin ang pagdadala ng pagkain, tubig, at gamot sa mga pinakaapektadong lugar. Dadaanin po natin sa mga barangay ang pagpapamigay ng mga pangunahing pangangailangang ito; 24,000 family food packs na po ang napamudmod sa Tacloban kahapon, at nakasentro ang pagpapamigay sa walong pinakamalaking barangay doon. Mayroon tayong dalawang water purification facilities, at marami pa ang darating, upang masigurong may maiinom ang ating mga kababayan. Inaayos na natin ang mekanismo para mapalawak ang saklaw ng social housing program ng pamahalaan. Mula po sa ating mga calamity funds, contingency funds, at savings, mayroong 18.7 billion pesos na maaaring gamitin upang ibangon ang mga lugar na pininsala ni Yolanda.
Dumarating na rin po ang tulong mula sa ibang bansa; 22 bansa na po ang nagpanata o nagbigay na ng tulong, kabilang na ang Indonesia, Amerika, Inglatera, bansang Hapon, Singapore, New Zealand, pati na rin po ang Hungary. Tumutulong na rin po sa iba’t ibang paraan ang pribadong sektor upang ibangon ang mga nasalanta, gaya ng sa pagbabalik ng daloy ng komunikasyon at pati ang pagmimintena ng krudo sa mga apektadong lugar.
Kasabay nito, idinedeklara po natin ang State of National Calamity upang mapabilis ang mga pagkilos ng pamahalaan para sa pagsagip, paghahatid ng tulong, at rehabilitasyon ng mga probinsyang sinalanta ni Yolanda.
Mahalaga rin ito, hindi lamang para panatilihing kontrolado ang mga presyo ng mga pangunahing produkto at serbisyo na kakailanganin ng ating mga kakabayan, kundi upang maiwasan din ang overpricing at hoarding ng mga mahahalagang bilihin. Inaprubahan din natin ang kabuuang P1.1 billion para pandagdag sa Quick Response Funds ng DSWD at DPWH, para sa agarang pagpapatupad ng mga kinakailangang suporta para sa muling pagbangon ng mga kababayan nating hinagupit nitong trahedya.
Bagaman nakapagtala ng mababang casualty count sa maraming mga probinsyang dinaanan ni Yolanda, sa mga lugar naman na tila naembudo ang bagyong ito, talaga naman pong malaki ang pinsalang nasaksihan natin. Tulad ninyo, gusto ko ring malaman kung paanong maiibsan ang situwasyon sa mga lugar na tulad nito.
Sa mga darating na araw, maaasahan ninyo, lalo pang papaspas ang ayuda. Ang panawagan ko lang po: Ang pagiging kalmado, pagdarasal, pakikisama, at pakikipagtulungan. Siya ang magpapabangon sa atin mula sa sakunang ito.
Maraming salamat po at magandang gabi sa inyong lahat.