in

Pambabastos sa Impeachment Court

altRome, Mayo 23, 2012 – Isang pambabastos diumano ayon kay Senate President Juan Ponce Enrile, presi­ding officer ng Impeachment Court, ang ginawang pagwa-walkout ni Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona matapos bigyan ng pagkakataon sa napakahabang opening statement.

Sa kabila ng pagtutol ng prosekusyon sa tatlong oras na ‘narration’ ni Corona ay bigla na lamang itong tumayo sa pagkakaupo sa witness stand nang walang pahintulot ng korte, tumalikod at lumakad patungo sa isang ‘secret passage’ ng session hall.

Bumalik ang Punong Mahistrado sa session hall na naka-wheelchair makaraan ang pagkukulong sa isa sa mga kuwarto sa ground floor ng Senado. Ilang ulit namang humingi ng paumanhin ang lead defense counsel Serafin Cuevas na isa ring dating SC justice.

Ayon kay Cuevas ay wala namang intensyong bastusin ang awtoridad ng Impeachment Court at sinumpong diumano ng sakit na hypoglycemia ang Chief Justice na naging dahilan ng biglaang pag-alis nito sa session hall.

Ayon kay Enrile ay maaari namang magpaalam nang maayos at sabihin ang kanyang kondisyon. Maaari diumanong pigilan ito ni Cuevas na hindi naman nito ginawa.

Nagtapos ang Day 40 ng impeachment trial sa utos ni Enrile sa defense team ni Corona na iharap muli sa witness stand at isailalim sa cross examination ng prosekusyon at sa pagtatanong ng mga senator-judges ang kanilang kliyente.

Kung hindi umano magpapa-cross examine ang Punong Mahistrado ay dedesisyunan ng korte ang mga alegasyon laban sa kanya, base na lamang sa mga naisumiteng ebidensya ng prosekusyon at depensa.

Hindi naman naitago ng prosecution team ang pagkagalit sa ginawa ng Punong Ma­histrado na dapat ay magpakita ng magandang ha­limbawa sa publiko ng paggalang sa proseso, sa korte at sa sistema ng hustisya. Ito diumano ay pang-iinsulto at pambabastos sa Impeachment Court.

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

1 taong permit to stay sa mga nawalan ng trabaho

Kasal, patunay ng proseso ng integrasyon