Natuklasan ang isang pambihirang mineral ng mga mananaliksik sa Puerto Princesa Underground River sa Palawan.
Ayon sa mga mananaliksik, ang serrabrancaite , isang pambihirang mineral na tinuturing bilang manganese phosphate, ay nagmula sa proseso ng mineralization ng dumi ng mga paniki at seabird na nakatira sa loob ng kuweba. Hindi diumano makikita ang nasabing mineral sa mga karaniwang kweba lamang. Sa katunayan, sa Pilipinas at sa Brazil lamang matatagpuan ito.
Ang batikang crystallographer na si Dr. Paolo Forti, miyembro ng Italian La Venta Geographical Association, ang nagkumpirma sa natuklasang ito. Matatandaang ang La Venta ang grupong nagsagawa ng mga ekspedisyon sa Palawan river.
Maliban sa serrabrancaite, natuklasan din ng grupo sa Palawan river ang dalawa pang bagong mineral: robertsite at janggunite at walo pang mineral na dati nang kilala: calcite, gypsum, apatite, variscite, strengite, manganite, rodocrosite, and pirolusite.