Makasaysayan ang pagdalaw ni Pangulong Barack Obama sa Pilipinas. Ito ang kasunod na pagdalaw ng pangulo ng Amerika sa Pilipinas may 11 taon na ang nakalilipas.
Maynila, Abril 28, 2014 – Dumating na si Pangulong Barack Obama ng Estados Unidos sa Maynila mga ala-una y media ng hapon sakay ng kanyang Air Force One mula sa Royal Malaysian Air Force headquarters sa Kuala Lumpur at sinimulan ang kanyang dalawang araw na pagdalaw sa bansa.
Sinalubong siya ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay sa NAIA at sumakay kaagad sa kanyang Marine 1 Helicopter na nagdala sa kanya sa Malacañang.
Doon siya sinalubong ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III. Agad na sinimulan ang kanilang bilateral meeting na tumagal ng may isang oras at sabay na nagpahayag at humarap sa media at sumagot sa apat na tanong ng local at foreign press.
Sa kanyang opening statement, nagpasalamat si Pangulong Aquino sa tulong ng Estados Unidos noong hagupitin ng bagyong "Yolanda" ang 44 na lalawigan noong Nobyembre. Ipinagpasalamat din niya ang may US $ 145 milyong ayuda mula sa US Agency for International Development (USAID) lalo't umabot na sa US $434 milyon ang naitulong sa nakalipas na ilang taon. Malaki rin umano ang tulong ng America sa pakikipagkasundo sa Bangsamoro na maghahatid ng kaunlaran, kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Sa panig ni Pangulong Obama, nagpasalamat siya sa mainit na pagtanggap sa kanya sa Pilipinas ng liderato ni Pangulong Aquino at isang magandang pagkakataong higit na patibayin ang pagkakaibigan ng dalawang bansa. Susuportahan ng kanyang liderato ang pagkakaroon ng mas maraming hanapbuhay at sa kahalagahan ng kinalalagyan ng Pilipinas, malaki ang papel ng Pilipinas sa isyu ng maritime security at kalayaang maglakbay sa karagatan.
Ipinaliwanag ni Pangulong Obama na sa pamamagitan ng bayanihan, magtutulungan ang dalawang bansa tulad ng ginawa noong dumaan ang bagyong "Yolanda". Wala rin sa kanilang layuning magtayong muli ng mga base militar sa Pilipinas sapagkat sasanayin ng Estados Unidos ang mga Pilipino sa pagtugon sa humanitarian crisis, higit na palalakasin ang bilateral security relations.
Ani Pangulong Obama, na sa Pilipinas ang pinakamatagal na Mutual Defense Treaty na nilagdaan ng kanilang bansa.
Sa idinaos na press conference, sinabi ni Pangulong Obama na wala sa kanilang layuning labanan ang Tsina sapagkat mayroong nananatiling constructive relations sa pamamagitan ng malaking kalakalan at pakikipagtulungan sa Tsina.
Layunin ng America na magkaroon ng paggalang sa international law at umaasa rin siyang magkakaroon ng payapang paraan upang lutasin ang 'di pagkakaunawaan sa pagitan ng Tsina at mga kalapit bansa.
Isang malaking bansa ang Tsina, ani Pangulong Obama at higit na tatatag ang Asia sa oras na mai-angat ng Tsina ang kanyang mga mamamayan sa kahirapan at kakulangan ng magandang kabuhayan.
Idinagdag pa niya na maraming territorial disputes sa buong daigdig at sa kanilang karanasan, mayroon ding suliranin sa pagitan ng Estados Unidos at Canada hinggil sa mga mamunting batuhan at pulo subalit hindi sila nagpapadala ng mga barkong pandigma at sila'y nag-uusap.
Ito rin umano ang kanyang mensahe sa mga bansang dinalaw tulad ng Japan, South Korea at Malaysia na lutasin ang mga 'di pagkakaunawaan sa pamamagitan ng diplomasya at payapang paraan. Nais umano ng America na makasama ang Tsina sa pagtugon sa international law at makasama sa pagsusulong ng pandaigdigang batas at mga alituntunin.
Para kay Pangulong Aquino, ang Pilipinas ay 'di kailanman magiging banta sa mga kalapit-bansa sapagkat ni wala ngang eroplanong pandigma ang Pilipinas. Bagaman, binanggit ni Pangulong Aquino ang suliraning dala ng poaching ng mga banyagang mangingisda sa karagatang saklaw ng Exclusive Economic Zone.
Idinagdag niyang hindi kailanman kalakaran sa Pilipinas na patahimikin ang mga kritiko, lalo na ang mga mamamahayag. Mayroon na umanong inter-agency committee na nakatuon ang pansin sa extrajudicial killings. Mumunti lamang umano ang maituturing na work-related sa mga napaslang na mamamahayag. (source: CRI online)
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]