Pilipinas, nananatili sa posisyong dalhin sa International tribunal ang usapin.
Rome, Abril 27, 2012 – Nakatakdang magtungo sa Amerika sa susunod na linggo sina Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario at Defense Sec. Voltaire Gazmin para sa pakikipagpulong at pagpapasaklolo ng pamahalaan sa US ukol sa mga usaping Panatag/Scarborough Shoal standoff. Ito ay ayon kay presidential spokesperson Edwin Lacierda.
Ayon pa dito, mainam na hintayin ang pagbabalik ng dalawang kalihim mula sa US bago magbigay ng anumang detalye ukol dito.
Nananatili namang pinaninindigan ng Malacanang ang posisyon na dalhin sa international tribunal ang usapin.
Iba naman ang posisyon ng China sa paghahanap ng solusyon ukol sa isyu. Para sa China ay hindi na kailangang ipaabot ang usapin sa atensyon ng international community ayon sa pahayag ni Chinese Foreign Ministry spokesman Liu Weimin.
Maging ang mga bansang kaanib ng Association of Southeast Asian Nation o ASEAN tulad ng Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand at Vietnam, ) ay pinaalalahanan din ng China na huwag sumali sa Scarborough standoff s, ang usapin diumano ay usapin sa pagitan lamang ng Pilipinas at ng China.
Kahapon ang US ay nagpahayag na resolbahin ng Pilipinas at China ang hindi pagkakaunawaan sa mapayapang paraan.
————
Nagsimula ang pinakahuling alitan ng China at Pilipinas noong ika-10 ng Abril, kung kailan namataan ang Philippine Navy ng walong Chinese fishing boats na nanghuli at kumuha ng endangered marine species sa Panatag Shoal. Huangyan Island naman ang tawag ng China dito.
Nabigo ang mga awtoridad na hulihin ang mga dayuhang mangingisda matapos harangan ng dalawang Chinese vessels ang Philippine Navy boat.
Umabot ang alitan ng dalawang bansa sa cyberspace, kung saan may mga anonymous na Filipino at Chinese hacker ay nagsagawa ng ilang web-based sabotage.
Ayon sa China ang pag-aatras sa dalawa nitong vessels mula sa Panatag Shoal noong nakaraang linggo ay ang senyales diumano ng pagpapababa ng tensyon.
Sa kabila nito, inihayag ni Liu Weimin, tagapagsalita ng foreign ministry ng China, na ang Huangyan Island ay nananatiling integral na bahagi ng teritoryo ng China at mayroong indisputable sovereignty ang kanilang bansa sa isla.
Ayon naman kay Pnoy ay nasasaad sa Saligang Batas, na kailangang pangalagaan ang patrimonyo ng bansa. Ang isla, ayon pa sa pangulo ay pag-aari ng Pilipinas at kinikilala ito ng international law, partikular sa United Nations Convention on the Law of the Sea kung saan ang China at Pilipinas ay parehong signatories.