Manila, Pebrero 16, 2012 – Ayon sa World Health Organization (WHO), ang Pilipinas ay ang may pinakamataas na kaso ng sakit na ketong o leprosy sa buong Western Pacific Region.
Sa taong 2010, ang Pilipinas diumano ang nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng ketong. Ito ang resulta ng evaluation sa leprosy cases sa ginanap na Western Pacific regional meeting ng national leprosy program managers na sinimulan noong nakaraang Lunes at natapos lamang kahapon.
Kinumpirma naman ang resulta ng evaluation ni Health Secretary Enrique Ona mula sa Department of Health (DOH), at sinabing totoong nakapagtala ang Pilipinas ng 2,041 bagong leprosy cases o may prevalence rate na 0.31 sa bawat 10,000 katao. Ang ilan sa hotspots ng sakit ay sa Ilocos Sur, Tarlac, Nueva Ecija, Cebu City, Davao City, Tawi-Tawi, Sulu at Metro Manila.
Samantala, “Hindi dapat mangamba ang publiko sa mataas na kaso ng ketong dahil nagagamot naman ito at agad na maiiwasan ang pagkalat nito”, ayon kay dating Health Secretary Alberto Romualdez, at kasalukuyang head ng Culion Foundation, isang non-government organization na tumutulong upang maiwasan at makontrol ang mga communicable diseases o nakakahawang sakit sa bansa tulad ng leprosy.