Roma – Hulyo 18, 2012 – Handa na diumano ang gobyerno sakali mang dumating ang nakamamatay na sakit na Enterovirus-71 sa Pilipinas, ayon sa Malacañang.
Nakamamatay na uri ng hand, foot, and mouth disease (HFMD) ang EV-71. Ito ang tinaguriang misteryosong sakit sa Cambodia na higit na sa 56 mga bata ang nabiktima sa nasabing bansa.
Kaugnay dito ang naunang inihayag ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na kasalakuyang pagpapatupad ng mga opisyal sa mga paliparan ng Pilipinas ng ilang patakaran upang mabantayan ang mga taong papasok sa bansa na kontiminado sa nasabing virus. Mahigpit din diumano ang ginagawang pagbabantay ng awtoridad sa mga paliparan.
Maaaring sintomas ng enterovirus infection ang pagkakaroon ng lagnat, hirap sa paglunok at ang pangingisay, ayon kay National Epidemiology Center head Enrique Tayag.
Nitong nakaraang Martes, dalawang mga bata ang napag-alamang positibo sa enterovirus, ngunit ikukumpirma pa lamang ng DOH kung ito ay ang nakamamatay na EV-71.
Samantala , nilinaw din ni Valte na hindi nagmula sa ibang bansa ang dalawang enterovirus na kaso ngayon sa bansa.
Ang dalawang kaso ng HFMD na ibinalita ng DOH ay parehong local cases at wala diumanong history of travel.
Kasalakuyan nang nakikipag-ugnayan ang gobyerno ng Pilipinas sa mga health official ng Cambodia at sa World Health Organization hinggil sa EV-71.