Pansamantalang sususpendihin ng Pilipinas ang pag-e-export ng saging sa United States, dahil malaking bahagi ng taniman ng saging ang napinsala ng bagyong `Pablo’ sa Mindanao. Ang Pilipinas ay itinuturing na ikatlong bansa sa pag-e-export ng saging sa buong mundo.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary Proseso Alcala, sa kasalukuyan ay hindi praktikal ang mag-export ng saging sa United States kahit pa kakayanin ng Pilipinas ang 3,000 tonelada ng Cavendish banana na i-export.
Ayon naman kay Stephen Antig, ang executive director ng Banana Growers and Exporters Association, ang malakas na hanging sanhi ng bagyong Pablo, na humigit sa 200 kms per hr, ay sumira ng malawak na taniman sa probinsya ng Davao Orientale at Compostela Valley. Sinalanta ng bagyong Pablo ang halos 10,000 hectares ng kabuuang 42,000 hectares na taniman ng saging sa bansa. At ang pagbaha ay kinatakutang magdudulot ng Panama disease (a classic and destructive disease of banana) buhat sa isang uri ng mushroom na umaatake sa mga ugat ng puno hanggang sa tuluyan itong mamamatay, dagdag pa ni Antig.
Nasira ang halos ika-apat na bahagi ng taniman ng saging sa Pilipinas dahil sa bagyong Pablo at ito ay nagkakahalaga ng halos 12 billion pesos. Tiniyak naman ng kalihim na tutulong ang gobyerno sa mga banana grower para muling makabangon ang mga ito mula sa delubyong idinulot ng bagyo.