"Sa mga taong nasa listahang ito, sino ang inyong iboboto bilang PRESIDENTE NG PILIPINAS kung ang eleksyon ng 2016 ay gaganapin ngayon at sila ay mga kandidato? Maaari kayong magbanggit ng iba pa na wala sa listahan."
Marso 22, 2015 – Ito ang naging katanungan sa isinagawang survey ng Pulse Asia mula Marso 1 hanggang Marso 7, 2015. Tunghayan ang resulta mula sa naging kasagutan ng mga interviewee.
Nangunguna pa rin si Vice President Jejomar Binay sa para sa pagka-pangulo sa 2016 sa kabila ng sangkaterbang alegasyon ng korapsyong kinasasangkutan niya at ng kanyang pamilya.
Sa katunayan, ay tumaas pa sa 29 porsyento ngayong Marso ang antas ng mga nagnanais bumoto kay Binay bilang presidente. Matatandaang 26 porsyento ang antas nito noong nakaraang Nobyembre 2014.
Nananatili naman sa ikalawang pwesto si Sen. Grace Poe sa kaniyang 14 porsyento. Mas mababa ito kumpara sa 18 porsyento nakuha niya noong Setyembre 2014.
Kapantay ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa ikatlong pwesto si dating pangulo at kasalukuyang alkalde ng Maynila Joseph Estrada na nakakuha ng 12 porsyento.
Nasa ika-apat na pwesto si Sen. Miriam Defensor-Santiago na may 9 na porsyento.
Ika-lima naman si Sen. Bongbong Marcos na may 6 na porsyento.
Samantala, kapansin-pansin ang patuloy na pagbagsak ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa presidential survey.
Mula sa 6 na porsyento noong Setyembre 2014, ay bumagsak sa 4 na porsyento kung saan kapantay sa ika-anim na pwesto si Sen. Francis Escudero.
Sumusunod sina Sen. Alan Peter Cayetano (3 porsyento), Sen. Antonio Trillanes IV (2 porsyento), at mga dating senador na sina Ping Lacson (1 porsyento) at Richard Gordon (1 porsyento).
Samantala, sa pagka-bise presidente ay nananatiling matatag sa unang pwesto si Poe na may 29 porsyento.
Malaki ang dipirensya nito sa 16 na porysento ni Escudero na nasa ikalawang pwesto.
Pumapangatlo si Cayetano na may 13 porsyento habang tabla sa ika-apat na pwesto sina Duterte at Marcos.
Magkakasunod naman sina: Trillanes (6 porsyento); Sen. Jinggoy Estrada (4 porsyento); Senate President Franklin Drilon (3 porsyento); Sen. Bong Revilla Jr. (2 porysento); at Camarines Sur Rep. Leni Robredo (0.4 porsyento).
Bukod dito, nangunguna pa rin sa survey ang mga kasalukuyan at dati nang nanungkulang mga senador.
Nananatiling may 97 porsyento sina Sen. Tito Sotto at Lacson.
Kapwa may tig-96 porsyento naman sina Marcos, dating senador Kiko Pangilinan, Drilon, at Sen. Ralph Recto.
Kasama rin naman sa top 10 si dating senador Migz Zubiri at Justice Secretary Leila De Lima habang nasa top 15 ang direktor at Taguig Representative na si Lino Cayetano at eight division boxing champion at Sarangani Representative Manny Pacquiao.
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]