Inihain ang isang resolution sa Kamara kung saan hinihiling ng ilang mambabatas na magbigay ng public apology ang Canadian popstar na si Justin Bieber kay dating world boxing champ Manny Pacquiao at sa buong sambayanang Pilipino dahil sa ginawang pang-iinsultong komento.
Rome, Dec 18, 2012 – Ilang araw matapos mapatumba ng Mehikanong si Juan Manuel Marquez si dating world boxing champ Manny Pacquiao sa ika-6 round ng kanilang ikaapat na laban sa Las Vegas, ay nag-post si Justin Bieber sa kanyang Instagram ng mga litratong tila nangungutya kay Pacquiao. Makikita sa larawan ang Disney character na si Simba (sa The Lion King) na ginigising si Pacquiao nang mapatumba at mawalan ng malay matapos tamaan ng suntok ni Marquez.
Naghayag din ang popstar na walang mapapala si American boxer Floyd Mayweather Jr. kapag lumaban pa siya kay Pacquiao.Si Bieber ay kilalang tagasuporta ni Floyd Mayweather Jr., na kabilang sa mga posibleng makalaban ni Pacquiao.
Dahil dito ay inihain ang Resolution 2962 sa Kamara ng mga mambabatas kung saan hinihiling sa popstar ang magbigay ng public apology kay Pacquiao at sa mga PIlipino.
Kinakailangang maaprubahan ng mayorya ng Kamara, na may 285 miyembro, ang resolusyon bago ito maisulong at madeklarang persona non grata at tuluyang ma-ban sa bansa ang popstar idol.
Ang mga mambabatas na naghain ng resolusyon ay sina YACAP party-list Rep. Carol Jayne Lopez, Manila Rep. Amado Bagatsing, Zamboanga del Norte Rep. Seth Jalosjos, Palawan Rep. Antonio Alvarez, PBA party-list Rep. Mark Aeron Sambar, AKO BICOL party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. at Ating Koop party-list Rep. Isidro Lico.