113 kongresista ang pabor at 104 naman ang tumutol sa ikalawang pagbasa ng Kongreso sa Reproductive Health Bill.
Manila, Dec 13, 2012 – Matapos ang magdamagang deliberasyon ng Kamara de Representantes na sinumulan ng Miyerkules at natapos nitong madaling araw ng Huwebes, ay lumusot sa ikalawang pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kontrobersyal na House Bill 4244 o Reproductive Health (RH) Bill.
Natapos ang nominal voting ng 217 kongresista kung saan lumabas na 113 ang bomoto ng pabor, 104 ang No at 3 ang nag-abstain.
Tinatayang nasa mahigit na 60 kongresista naman ang wala sa plenaryo at hindi nakaboto.
Kabilang sa mga pumabor sina Representatives Feliciano Belmonte, Edcel Lagman, Kimi Cojuangco, Janette Garin, Neptali Gonzales II, Luzviminda Ilagan at Jack Ponce-Enrile.
Kabilang naman sa mga tumutol sina Representatives Manny Pacquiao, Rufus Rodriguez, Amado Bagatsing, Lucy Torres-Gomez, Mikey Macapagal-Arroyo, Mitos Magsaysay at Imelda Marcos.
Ikinagulat ng lahat ang pag-abstain ni Cavite Rep. Jesus Remulla at iniurong na rin ang kanyang authorship sa panukala.
Gayunpaman, hindi pa maituturing na ganap na pasado ang RH Bill sa Kamara dahil sasalang pa ito sa ikatlo at huling pagbasa.