Manila – Isama ni Pangulong Benigno Aquino III ang Reproductive Health/Responsible Parenthood (RH/RP) bill sa priority bills ng administrasyon na inaasahang maipapasa bilang ganap ng batas ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ngayong taon.
Ayon sa mga report, ang RH/RP bill ay kasama sa 13 karagdagang priority measures na isinulong ng Pangulo sa mga mambabatas sa naganap na Legislative-Executive Development Advisory Council (Ledac) meeting sa Malacañang na tumagal nang halos na apat na oras.
Sa isang panayam matapos ang meeting, ang Pangulo ay inihayag ang ilang inamiyendahan para lalong matanggap ang RH bill sa dalawang Kapulungan ng Kongreso. Ito ay ang mga sumusunod:
(1) pagpayag niya na alisin ang mga probisyon na kailangan ay dalawang anak lamang ang ideal family side at
(2) ituro lamang ang sex education simula Grade 5 hanggang Grade 6 kumpara sa dating plano na ituro na ito sa Grade 4.
Ayon pa sa Pangulo ay susuporta ang kanyang pamahalaan sa kampanya sa artificial family planning partikular sa mga government hospitals ngunit magiging balanse umano ito sa posisyon ng iba’t ibang sektor tulad ng Simbahang Katoliko.
Ayon naman kay Senate President Juan Ponce-Enrile ay tila matinding debate ang RH/RP Bill sa Senado ngunit wala umano siyang nakikitang problema sa ibang priority bills. Tiniyak naman ni House Speaker Feliciano Belmonte na susuportahan niya ang mga pakiusap na priority bills ni Pangulong Aquino.
Samantala, kinumpirma rin ni Aquino na bagama’t tinalakay ang Freedom of Information (FoI) bill ay hindi ito nakasama sa listahan ng priority bills. Ito ay dahil diumano sa mga karapatang masasagasaan sa oras na ipilit ang nasabing panukala tulad ng bank secrecy law at ang posibleng pagsasamantala ng ilan kung saan ginawang halimbawa ang posibleng pagtataas sa presyo ng lupain sa oras na mabunyag agad ang mga lugar na sakop ng mga gagawing road projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Isa pa sa mga priority bills ay ang “restructuring excise tax on sin taxes” o pagbubuwis sa alcohol at sigarilyo at inaasahan na magpapataas ng revenue collection ng national government hanggang sa halagang P60 bilyon kada taon. Ito ay pinaniniwalaang magiging isang malaking tulong sa revenue-enhancement measure lalo na ngayong may hamon sa ekonomiya ng Estados Unidos at Europa.
Hindi naman napabilang ang Charter change (ChaCha) sa economic provisions.
Gayunpaman, ilan sa mga priority bills ang Human Security Act at pag-amiyenda na gawing public service network ang government TV station na PTV 4 at buksan ito sa ads upang dumagdag ang kita at pag-amiyenda sa National Electrification Administration (NEA).