Rome, Marso 12, 2012 – Si Cardinal Jose Sanchez ay pumanaw sa Cardinal Santos Memorial Medical Center sa San Juan City dakong alas-singko ng umaga noong nakaraang Biyernes.
Ipinanganak sa lalawigan ng Catanduanes sa Rehiyon ng Bicol at naglingkod sa Simbahan nang siya ay maging pari noong 1946.
Si Cardinal Sanchez ay nagsilbing Kalihim ng Congregation for the Evangelization of Peoples in the Roman Curia mula 1985 hanggang 1991, at kauna-unahang Filipino na naglingkod sa iba’t ibang kapasidad sa Holy See.
Itinalaga siya bilang Cardinal of San Pio V a Villa Carpegne noong 1991 at agad na itinalagang Prefect of the Congregation for the Clergy at pangulo ng Administration of the Patrimony of the Apostolic See.
Sampung taon na ang nakalilipas ng magretiro siya bilang obispo sa edad na 80.
Samantala, nakiramay na rin si Pope Benedict XVI. Sa report ng Vatican Information, inilahad ng Santo Papa sa isang telegram ang kanyang pagkilala sa mga naging kontribusyon ni Cardinal Sanchez sa simbahang katolika.
Nakasaad sa report na si Cadinal Sanchez ay magsisilbing inspirasyon sa iba para maging tunay na tagasunod ng diyos at sa kanyang simbahan.
Kaugnay nito, labis naman ang pagdadalamhati ng CBCP sa pagkamatay ni Cardinal Sanchez na kinikilala bilang pang-limang cardinal na Filipino.