Hindi na mistulang mga tao ang daan-daang bangkay na pinagpatung-patong sa gilid ng bawat punerarya sa Cagayan de Oro at Iligan City na ngayon ay nag-uumpisa ng mangamoy dahil hindi maembalsamo.
Sa ulat, tila nagkakaubusan na ng formalin sa dalawang lungsod at nauubos na rin ang suplay na kahoy para gawing kabaong para sa mahigit 500 kataong nasawi sa flashfloods na hatid ng bagyong Sendong.
Ayon sa isang may-ari ng punerarya sa Cagayan de Oro, bukod sa paubos na ang formalin, wala na rin silang pambatang kabaong. Hindi rin umano malaman ng mga embalsamador kung paano matatapos ang lahat sapagkat apat na oras ang pag-eembalsamo sa isang bangka.
Isinasaayos na rin ang mass burial para sa mga namatay sa baha sapagkat bukod sa nabubulok na ang mga bangkay, hindi na rin umano ito tinatanggap ng mga punerarya.
Samantala tuloy-tuloy pa rin sa search and rescue operations ang 20,000 sundalo.
Ayon sa Philippine National Red Cross (PNRC) kahapon, umaabot na sa 501 ang nabibilang na bangkay, samantala tinatayang 400 katao pa rin ang nawawala.
Nakatakdang namang bisitahin ni Red Cross Chairman Richard Gordon ngayong araw na ito ang dalawang lungsod upang personal na makita ang kalagayan ng mga biktima ng pagbaha. 500 staff at 143 volunteers na ng Red Cross ang tumutulong sa kasalukuyan sa mga relief operations.
Samantala sa report ng Armed Forces of the Philippines (AFP), umaabot na sa 548 katao ang nakuhang bangkay ng mga sundalo, samantala 802 katao naman ang missing.
Dahil sa dami ng bilang ng mga nawawala, sinabi ni Galon na inaasahang lalaki pa ang bilang ng mga nasawi sa nasabing trahedya.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamahalaan ng Estados Unidos at Britanya.
“The US government stands ready to assist Philippine authorities as they respond to this tragedy,” pagtitiyak ni US Secretary of State Hillary Clinton.