Tinanggap na ng pamilya ng pumanaw na si Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jesse Robredo ang alok ng pamahalaan na state funeral.
Ito ay ayon kay Presidential Communications Undersec. Manolo Quezon III kasabay ng pagsasabing, “Ang state funeral is the highest possible kind of a funeral that a Republic can give.”
Ayon pa sa opisyal, may nakabantay na honor guard sa Archbishop's Palace sa Naga City, kung saan nananatili sa ngayon ang mga labi ni Robredo hanggang Biyernes, Agosto 24.
Bukas (Agosto 24) ay nakatakdang dalhin ang mga labi ni Robredo sa Malacañang bagaman hindi pa natatalakay kung saan sa Malacañang ilalagay ang mga labi at kung magkaroon din ng public viewing. Ito diumano ay tatalakayin sa susunod na bulletin ng Committee on Funeral Arrangements and Burial. Mabibigyan ng departure at arrival honors ang mga labi mula Naga City patungong Maynila mula sa iba't ibang ahensya tulad ng Armed Forces of the Philippines, Presidential Security Group, at ng Philippine National Police.
Mananatili ito sa Malacañang hanggang Linggo (Agosto 26) ng umaga at ito’y muling ibabalik sa Naga.
Sa Martes (Agosto 28) ang libing ng kalihim.
Ang mga prebilehiyo na maibibigay kay Robredo sa kanyang state funeral ay: escort battalion, funeral cortege o prosesyon, arrival honors sa libingan, gun salute, tatlong-volley salute, playing of taps, at paglalagay ng watawat ng bansa sa kabaong ni Robredo na gagawin ng kanyang maybahay.
Pumanaw si Robredo at dalawang piloto ng eroplano matapos bumagsak ang sinasakyan niyang Piper Seneca plane malapit sa Masbate noong nakaraang Sabado.
Patungo na sana sa Naga ang eroplano mula sa Cebu nang maganap ang trahedya. Nagtungo ang kalihim sa Cebu para magsilbing kinatawan ni Pangulong Benigno Aquino III sa isang pagtitipon.
Tanging ang aide ni Robredo na si Senior Inspector Jun Abrasado, ang nakaligtas sa trahedya.
Samantala, ayon kay Presidential spokesperson Edwin Lacierda ay tila mahihirapang maghanap ng kapalit kay Robredo dahil sa pagpapakita nito ng kapasidad.
Hinirang si Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. ni Aquino nitong Martes bilang OIC ng DILG. Ang DILG ang namumuno sa local government units (LGUs), Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at ang Bureau of Jail Management and Penology.
Ang Proclamation No. 260 ay ipinalabas rin si Aquino bilang pagpapatupad ng National Days of Mourning para kay Robredo hanggang sa kanyang libing nito sa Martes, Agosto 28.
For a period of six (6) days, the national flag shall be flown at half-mast from sunrise to sunset in all government buildings and installations in the Philippines and in our posts abroad," tulad ng nasasaad sa proklamasyon.