Nagkaroon ng historical agreement ang mga Ministers of Interior ng mga bansa sa Europa. Ito ay ang pagbibigay ng temporary protection sa lahat ng mga tatakas sa giyera sa Ukraine. Ito ang inanunsyo ni French minister Gérald Darmanin sa social media.
Ang naging kasunduan ay “tugon sa kasalukuyang sitwasyon” kung saan ang mga Ukrainians ay tumatakas sa digmaan, paliwanag ni Darmanin sa isang press conference sa Brussels sa pagtatapos ng Konseho. “Bibigyan ng temporary protection status na katulad ng ibinibigay sa mga refuges ng isang taon at renewable. Ito ang nagkakaisang desisyon na dapat nating ibigay sa mga Ukrainians”.
Ang Temporary Protection ay ibibigay sa mga
- Ukrainian asylum seekers at mga miyembro ng kanilang pamilya,
- sa mga benepisyaryo ng international protection o mga refugees na hino-host na sa Ukraine,
- sa mga long term residents sa Ukraine mula sa mga third countries. Gayunpaman, sa huling nabanggit, ang mga EU countries ay maaaring pumili kung ibibigay ang temporary protection o ang normal na proseso sa pag-aaplay ng asylum.
Samantala, ayon kay European Commissioner Ylva Johansson, para sa mga mamamayan ng third countries na temporary residents sa Ukraine – nagtatrabaho o nag-aaral doon ay hindi sakop ng Temporary Protection Directive ngunit lahat ay tatanggapin sa Europa kung saan sila ay sasaklolohan, bibigyan ng tirahan, pagkain, atbp. Pagkatapos, kasama ang kanilang mga host countries, sila ay ligtas na makakauwi sa kanilang mga bansa.
Ang Temporary Protection Directive ay mahigit na dalawampung taon na ngunit hindi ito kahit kailan naipatupad. Ito ay magbibigay karapatan sa pagkakaroon ng permesso di soggiorno na balido ng isang taon at renewable, para sila ay makapagbiyahe sa mga bansa sa EU upang mag-trabaho at mag-aral. (PGA)