Russia ang kauna-unahang bansang nakapagparehistro ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19). Ito ay matapos kumpirmahin na matagumpay nang nakumpleto ang clinical trials (phase 3) para sa unang bakuna sa mundo laban sa COVID-19.
Sa katunayan, inanunsyo ni Russian President Vladimir Putin na tapos na ang kinakailangang tests at napatunayang epektibo ang nasabing bakuna na may hatid na matagal na immunity mula sa COVID-19.
Ang bakuna ay tatawaging ’Sputnik’, tulad ng unang artificial Earth satellite ng Soviet Union.
Ito ay sa kabila ng mga lumulutang na agam-agam mula sa maraming scientists sa mabilis na paggamit sa naturang bakuna. Anila ang phase 3 trials ay kadalasang tumatagal ng isang taon at kalahati at kahit paigsiin pa ang panahon, ito ay nangangailangan ng mula 4 hanggang 6 na buwan at tini-test sa libo-libong katao.
Kaugnay nito, ayon kay Putin isa sa kaniyang mga anak na babae ay tinurukan na ng nasabing bakuna at maayos na ang pakiramdam nito. Matapos umano ang ikalawang pagturok ng bakuna ay bahagyang tumaas ang temperatura ng kaniyang anak subalit unti-unti nang bumuti ang pakiramdam nito at nagkaroon na ng mataas na antibodies.
Nilinaw ni Putin na hindi sapilitan ang pagpapaturok ng naturang bakuna na ang bulto-bultong produksyon ay sisimulan sa susunod na buwan samantalang sa Oktubre naman inaasahang sisimulan ang mass vaccination.
Tiniyak ng Russian authorities na kabilang sa priority na maturukan ng nasabing anti COVID-19 vaccine ang medical workers, guro at iba pang itinuturing na risk groups.
Ayon kay Michael Ryan, executive director ng World Health Organization – Health Emergencies Program, ”as of August 7, hindi bababa sa 165 bakuna laban sa COVID-19 ang binubuo sa ilalim ng iba’t ibang yugto ng pagsubok. May 26 dito ang nasa ilalim na ng clinical trials at may 6 bakuna na ang nasa Phase 3 trials”. (PGA)
Basahin din:
Bakuna kontra Covid19, ano na ba ang estado?