in

2% remittance tax sa bawat padala, ipinatutupad na!

altInumpisahang ipatupad ang remittance tax na 2% noong ika-17 ng Setyembre,  araw ng Sabado. Atas mula sa circular 13 August 2011 n. 138 na nagsasaad ng pangkalahatang alituntunin upang maistabilisa ang usaping pinansyal sa bansang Italya.

Isang bagay na hindi naman ikinabahala ng ating mga dayuhan sapagkat ito’y maugong na pinag-uusapan at laman ng mga dyaryo, radyo at telebisyon. Maaaring ikinagulat ito ng mga remitters na hindi naging handa sa ipinataw na tax sa kanilang ipinadalang pera sa pamilya.

Hindi rin kasi naging malinaw ang pagpapatupad nito lalo’t higit sa mga dayuhang walang dokumento. May iba’t ibang interpretasyon sa circular na nabanggit. Buti na lamang, naging handa naman ang mga Filipino remittance centers tulad ng PNB, BPI, Iremit at iba pang padalahan.   

Ligtas sa pagbabayad ng 2% tax ang remitters mula sa european countries at mga dayuhang may maipapakitang patunay na binayarang bollettini Inps o busta paga na kung saan ay makikita ang tax code o codice fiscal, inps code o matricola inps.

Isinasaad sa circular na papatawan ng nasabing tax kung walang maipapakitang documentary requirements sa mga padalahan. Saklaw rin dito ang mga Italian banks, money transfer sa mga outlets na may financial activies. Ayon kay Mr. Vic E. Cobarrubias, Manging Director ng PNB, sinisikap nilang tugunan ang hindi pa handang mga kliyente sa pamamagitan ng isang self-declaration subalit hindi sila pwedeng tumanggi sa ipinag-uutos ng batas. Agad niyang inihanda ang kaniyang mga tauhan upang sagutin ang mga katanungan ng mga kliyente at hindi naman sila nahirapan na maipaunawa ang nilalaman ng nasabing circular.

Apektado sa circular na ito ang mga undocumented, mga empleyedo ng ating embahada at transit seafarers. Malamang na hindi maiiwasan ang mga modus operandi tulad ng panghihiram ng permit to stay sa kaibigan, kaanak o kakilala o di kaya’y ang kilalang paki-padala.

Nababahala pa rin ang mga dayuhang walang maipapakitang inps code o mga undocumented migrants sapagkat ang batas Bossi-Fini ay nagtakda noon pa ng posibleng pagrireport sa mga pulis kung hindi makapagpapakita ng permit to stay. Subalit sa hanay ng mga migranteng Pinoy, wala pa ni isang napareport nang dahil sa siya’y walang dokumento.

Isang bagay na maaaring makakabuti naman sa kondisyon ng ating mga kababayan, kung ating susuriin ang pagkakataong ito, hindi kaya’t ito na ang ating pagkakataon upang sabihin sa mga employers na magbayad sila ng kontribusyon sa inps. Maaari itong paraan upang ma-regular ang mga kababayan nating nagtatrabaho na walang kontrata.  

Samantala, may mga naniniwala na ang utos na ito ay isang lantarang pangingikil sa bulsa ng mga dayuhang nasa sector ng mga domestic helpers na siyang apektado sa krisis pang-ekonomiya subalit patuloy na nagbabanat ng buto upang kumita ng pera para matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga mahal sa buhay na nasa sariling bansa o nasa Italya man. (ni Liza Bueno Magsino)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

REGINA COELI CHOIR NG ROSARIO, CAVITE, SASABAK SA THE RIMINI INTERNATIONAL CHORAL COMPETITION

Census – Sinimulan nà, kabilang pati mga migrante!