in

PAGGALANG SA PANGALANG PINANGALAGAAN

Sa pasimula ay magpapakilala muna ako. Ako po si Rex Fortes…

Opo, alam ko na ang iniisip ninyo. Pero hindi  ako ang inaakala ninyong sikat na kontrabida sa pinilakang-tabing. Ako po ay hindi si Rez Cortez. Magkatunog lang ang pangalan namin.

Ewan ko ba talaga kung bakit pinangalanan ako nang ganito ng mga magulang ko. Kung sa bagay, hindi ko naman sila masisisi. Eh ano naman ang kinalaman ng dalawang probinsiyanong lumaki sa kaniyugan ng Sorsogon sa mga pangalan ng artista sa pelikula? Ang gusto lang naman nila noon ay medyo maging class at “americanized” ang itatawag sa akin… malihis man lang sa mga sinaunang Eustaqio, Tiburcio at Procopio.

Kaso, nang kami’y manirahan na sa Maynila at magsimula na akong pumasok sa eskwela, ay laging laman ng biro ang aking pangalan. Lalo pa’t kasikatan noon nila Lito Lapid, Fernando Poe, Jr., at Ramon Revilla na isa sa paboritong “punching bag” ay si Rez. Higit pa itong pinatindi tuwing semana santa, kung saan laging tampok ang gwapong si Mat Ranillo bilang Kristo, samantalang ang pinakauuyamang Hudas ay walang iba kundi si Rez.

Kaya nga’t di kataka-taka, noong ako ay piniling maging isa sa 12 apostol noong ako’y nagbinata na, ay “unanimous” sa botohan na ako ang magsukbit ng “sash” ng may nakasulat na Hudas, aray!

Bata pa lang talaga ako ay pangarap ko nang mabago man lang ang aking pangalan. Maiba man lang doon sa lalo pang sumisikat na katukayo ko sa kaniyang patuloy na paglabas sa mga relihiyoso, politiko at sari-saring kaganapan sa TV. Gusto ko kasing magkaroon ng aking matatawag na kasarinlan.

Napagtanto ko rin pagkalaunan na di na talaga mababago ito, at di ko hawak ang pagsikat o pagkalaos ng isang artista. Kaya’t nangarap na lang akong matira man lang sa ibang bansa. At least, sigurado, di na sikat si Rez doon.

Masaya ako sa aking unang paglapag sa Roma dahil napansin kong marami pala talagang Italyano dito (obvious ba?). Iba na ngayon ang mga mamamayan na makakasalamuha ko, at tiyak may bago na akong pagkatao, na di na maikakabit sa kung sinumang Poncio Pilato. Kaya’t masigla akong nagpapakilala sa mga Italyano: “Mi chiamo Rex!” Kaya lang laging sagot nila ay: “Si, il cane da guardia nella TV”… Haay, wala talaga akong lusot, kahit saan.

Ano nga ba ang nasa pangalan ng tao? Dito ba nakasalalay ang kanyang pagkatao? Ito ba ang sukatan upang sabihin na siya’y ganap na Filipino? At di katulad kong napagkakamalang kontrabida, Hudas o aso?

Kung tayo ay nagbabasa ng Bibliya, mapapansin na marami ang mga sandali dito kung kailan binago ng Panginoon ang mga pangalan ng mga kilalang karakter: Abram na naging Abraham, Jacob-Israel, Gideon-Jerubbaal, Daniel-Belteshazar, Simon-Pedro, Saul-Paul, atbp. Mapapansin na ang punto dito ay di ang kagandahan ng isang pangalan, bagkus ay ang pagpapahalaga sa mabubuting mga gawa na ipinamalas sa buhay nila. Ang kanilang binagong pangalan ang nagpapaliwanag ng kanilang kabanalan bilang alaala ng biyayang-kaloob ng Maykapal.

Kaya’t ito ang turo ng Banal na Kasulatan: mas mahalaga pala ang pagkatao kaysa sa pangalan; ito ang tunay na dapat pangalagaan at bigyang-galang.

Taong 2003 nang ako ay muling tumuntong sa Sto. Nino Parish Church sa Bagumbong, Novaliches, kung saan nakatatak sa mga alaala ng mga nagsisimba ang aking pagka-Hudas. Isa itong masayang okasyon. Punong-puno ang simbahan at napakaraming bisitang pari, madre, seminarista at mga layko. Kakaiba na ngayon ang eksena, dahil kung noon mga ngisi ang mababanaag sa kanilang mga mukha kapag ako’y nakikita, ngayon ay nabaligtad na ang eksena: nag-uumapaw na sila sa tuwa habang iniisip na nabibiyayaan silang lubos ng isa sa kanilang lupon na hinirang na maging banal. Kaya’t sila’y puno ng pasasalamat na gumagalang sa kamay ni Kristong kinatawan sa paring nagkakanta-misa… si Fr. Rex Fortes. Ang dating Hudas, na ngayon ay animo’y Kristo na.

Wala namang pinagbago talaga. Siya pa rin ang may tangan ng pangalang napagkakakamalang kontrabida, pero ngayon ay di na ito pinapansin… sapagkat ang pinahahalagahan na ay ang pagkatao niya bilang pari.

Wala pala sa pangalan ang paggalang ng ibang tao sa iyo: ito ay nasa iyong pagkatao, sa iyong kabaitan, sa iyong pagpupunyagi, sa iyong buhay-kabanalan. Dahil ang iyong pagsasabuhay ng mga turo ni Kristo ang siyang hihigit sa anumang pangalang dinadala mo sa lupang-ibabaw… dahil tayo’y Kritiyanong Filipino, at dito tayo kinikilala ng mundo.

Kaya’t huwag kang mag-alala, kaibigan… basta’t mabuhay lang nang may takot sa Diyos, gagalangin ka ng sinuman, mapadayuhan, Italyano, o kapwa Filipino man… maging pangalan mo man ay Inday, Dagul o Pokwang. (ni: Fr. Rex Fortes, CM)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

PHILIPPINE INVESTMENT ROADSHOW LED BY ITALY’S AMBASSADOR TO THE PHILIPPINES KICKS OFF IN MILAN

Bagong batas sa deportasyon