Ito ang panahon ng ating paggunita sa pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Panahon din ito ng pagdarasal, pagsasakripisyo at pagbabago. Panahon ng pagsisisi sa mga nagawang kasalanan, at panahon ng pagwawasto sa ating mga pagkakamali.
Tuwing Linggo Ng Palaspas o Palm Sunday ay ginugunita natin ang pagdating ng Panginoon sa Jerusalem. Nagsisimba ang mga tao nang may hawak na palaspas na gawa sa puno ng palma o palm tree na karaniwang kinakabitan ng mga imahe o litrato ni Jesus o ni Maria. Winawagayway nila ito at binabasbasan naman ito ng pari sa Banal na Misa. Madalas naming isinasabit sa harapan ng aming pintuan ang mga palaspas na ginamit namin pagkatapos ng Banal na Misa at nananatili ‘yon doon hanggang sa mabulok ang mga dahon nito. Pinaniniwalaang tinataboy nito ang masasamang espiritu, isang bagay na patuloy naming ginagawa sa Roma ngunit sa loob ng bahay na nakasabit ito.
Tuwing Huwebes Santo naman o Maundy Thursday ang pag-aalala sa Huling Hapunan ni Jesus kasama ng labindalawang Apostoles. Kung nagsisimba ka sa araw na ito, malalaman mong dito rin inaalala ang paghuhugas at paghahalik ni Jesus sa paa ng Kanyang mga Apostoles. Ginagawa rin mismo ng mga pari sa Banal na Misa ang paghuhugas at paghahalik sa paa. Tuwing Maundy Thursday ay ginagawa naman ang tinatawag na Visita Iglesia o pagbibisita sa mga simbahan. Bilang Katoliko, nakaugalian nating mga Filipino ang pagbi-Visita Iglesia sa pitong (7) simbahan pero may iba naman na ginagawang labing-apat (14) ito, katulad ng bilang ng “Stations of the Cross”, isang istasyon sa bawat isa sa labing-apat na simbahan. Isang bagay na hindi mahirap gawin sa Roma, dahil sa kabi-kabilang simbahang mayroon sa bawat kanto dito.Nakakatuwang pagmasdan dahil habang nagbi-vigil ang mga Italians sa mga simbahan,tayong Filipino naman ay palipat-lipat ng simbahan.
Kapag Biyernes Santo o Good Friday naman ay inaalala ang pagkamatay ni Jesus. Sa Pilipinas ay kadalasang makakakita ng mga namamanata at nagpepenitensiya, hinahampas at pinapahampas ang mga likod hanggang sa magdugo ito. ‘Yung iba naman ay nagpapapako sa krus. Karaniwang makikita sa mga probinsiya, lalo na sa Bulacan at Pampanga. Wala din ibang programa sa telebisyon kundi ang Siete Palabras o Seven Last Words. Mga bagay na di masasaksihan ng mga kabataan natin dito lumalaki sa Roma…. Tanda ko pa ang pagbabawal mag-ingay, bawal kumanta at ang nakakapagtaka, bawal ring maligo…
Sa Easter Sunday naman ginugunita ang muling pagkabuhay ni Jesus. Ang Pasko ng Muling Pagkabuhay kung ito ay tawagin at panahon din ng bagong simula. Tanda ko pa ang ‘Salubong’ sa madaling araw, ang prususyon ng nakatakip ang mukha ni Blessed Virgin Mary.
Pero para sa mga bata sa Pilipinas, panahon ito ng madugong paghahanapan sa mga itlog o Easter eggs. Sa loob ng mga plastik na lalagyan na hugis itlog at may iba’t-ibang kulay ay naglalagay kami ng candies at chocolates, at kung minsan ay may pera pa ito. Siyempre, mga bata lang ang kasali. Pero minsan talaga eh hindi maiiwasang makisali ang mga “isip bata”, lalo na kapag ‘yung mga anak ay malapit nang umiyak dahil walang mahanap na itlog, kaya pati sila’y makiki-hanap na din. Dito naman sa Italya ay ang pagtanggap ng Uova di Pasqua ang pinahihintay ng mga bata. Ito ay ang hugis itlog na tsokolate, iba’t iba ang laki at may iba’t ibang ‘sorpresa’ sa loob na minsan ay sabik ding inaabangan ng mga di-gasinong bata.
Bukod pa sa mga nabanggit, napakarami pang mga kaganapan tuwingHoly Week lang nangyayari. Pangkaraniwan rin ang pagpepenitensya tuwing sasapit ang Semana Santa, tulad ng hindi pagkain ng karne ay nakaugaliang sakripisyo. Ngunit simula Maundy Thursday hanggang Black Saturday ay tinuruan kaming huwag maglaro ng paboritong sports bilang sakripisyo pa rin.Magmula Huwebes Santo hanggang Sabado De Gloria ay wala kang mapapanood na ibang palabas noon sa telebisyon kundi mga religious movies tulad ng The Ten Commandments, Jesus Of Nazareth, Noah’s Ark, at iba pa.
Marami pang mga pangyayari tuwing Semana Santa ang hindi ko nabanggit dito. Mga pangyayaring hinahanap hanap ng mga Pilipino dito sa Italya na maiku-kwento na lamang sa mga anak tulad ng pabasa, ang mga pinapanood sa kalye na pilitensya, ang prosusyon pag Biyernes santo. Hay naku, nakaka-miss talaga! ‘Yung iba, maaaring nakalimutan ko na. Pero iisa lang siguro ang dapat nating tandaan: Ang Semana Santa ay hindi lang panahon ng pamamasyal at paghahanap sa mga nakatagong itlog kundi paggunita at pagninilay-nilay din sa mga sakripisyo ni Jesus upang tayo ay mailigtas sa mga kasalanan. At ito ang tunay na diwa ng Semana Santa na sana ay ating isapuso. Ang kanyang muling pagkabuhay ay nagdadala ng kapatawaran sa ating mga kasalanan at isang bagong pananampalataya tungo sa panibagong pamumuhay!!!
PGA