Totoong malaya tayong maghayag ng ating saloobin, katwiran, opinyon, pagkilos at iba pa, ngunit hanggang saan nga ba ang kakayahan natin upang maging makatarungan ang ating ikinikilos at paraan ng pagiging malaya. Hunyo na naman at maugong ang pagdiriwang ng araw ng ating kalayaan mula sa nanakop sa bansang ating sinilangan. Abala sa paghahanda ang ating mga kababayan sa Italya upang ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan. Mahalagang araw upang muli ay magsama-sama para sa iisang kaisipan at diwa. Subalit ito nga kaya’y totoong nanggagaling sa ating puso o magiging dahilan upang sa huli ay hindi maiwasan ang alitan at inggitan. Ito po ay isipin natin.
Ang bilis dumaan ng panahon, halos isang taon na ang nakakaraan, naalala ko pa, nainterbiyu ako sa Bato-bato sa Langit, ang radyo ng mga Pinoy sa Roma, ibinalita ko dito ang usapin ng pagtatanggal ng ating middle name. Nanawagan ako na maghanda tayo at pag-usapan ito subalit walang kumilos agad. Makalipas ang ilang buwan, lumabas ang isang sirkular na may petsa na October 7, 2010. Tatanggalin na ang ating middle name sa Italian documents, utos ng Ministry of Interior. Naglabasan ang mga “concerned citizens”. Nagrally ang mga Pinoy, naging maingay ang ilan sa mga grupong labag sa circular na ito. Naging mainit ang bawat isa at may kanya-kanyang opinion. Tama naman!
Marami na ang nangyari, nagkawatak-watak ang mga dating magkakasama sa iisang pananaw at nag-umpisa ang personal na atake sa kapwang walang nais gawin kundi ang isipin ang kapakanan ng mga kababayan.
Pero dapat ba itong mangyari? Batikos ang umiiral sa ngayon na sa aking pananaw, wala itong idudulot na mabuti sa ating lahat, sa halip sana, ang mga pagbabago ay naging isang hamon para mas mapag-igi natin ang ating paglilingkod, hindi lamang sa usapin ng kakapusan ng kaalaman kundi sa iba pang larangan na nangangailangan ng serbisyo-publiko at tulong.
Nawa’y sa ating komunidad ay matigil na ang walang saysay na pag-iiringan, pagbatikos sa kapwa at paninira sapagkat wala itong maidudulot kundi ang kawalan mismo ng ating pagkakaisa-isa.
ni Liza Bueno Magsino