Matunog sa mga political debates ang tema ng buwis, trabaho at pension at ang mga ito ay nangingibabaw sa tema ng mga kabataan at migrasyon.
Kasabay ng mga kahanga-hangang pangako ngunit hindi kapani-paniwalang propaganda at mapanganib na koalisyon, ay palapit ng palapit ang araw ng eleksyon, ang Marso 4. Painit ng painit ang kampanya na layuning mahikayat ang mga boboto at halos tila isantabi ang makatotohanan at konkretong programang hinihingi ng Pangulong Sergio Matarella.
Matunog sa political debate ang tema ng buwis, trabaho at pension at ang mga ito ay nangingibabaw sa tema ng mga kabataan at migrasyon, mga temang itinuturing na ‘mabigat’ at hindi magbibigay ng magandang resulta sa koalisyon.
Partikular, ayon sa pagsusuri ng Demopolis halos 50% ng mga kabataang under 25 ay hindi umano boboto sa nalalapit na eleksyon. Marahil ay dahilan upang hindi pag-ukulan ng panahon at pagtuunan na lamang ng pansin ang mga tiyak na boboto.
Ang imigrasyon naman, sa halip ay sentro ng lahat ng programa ng mga partido ngunit nananatiling background lamang ito ng kanilang kampanya.
Sa kasalukuyan sa Italya, ayon sa pagsusuri, para sa 30% ng mga Italians, ang mga imigrante ay banta sa seguridad, kultura at trabaho. Sanhi upang sa panahon ng kampanya, ay ituring na isang ‘sensitibong’ tema lalong higit para sa left parties tulad ng Liberi e Uguali at Potere al Popolo na natatanging naniniwala sa reception at integration.
Lalong higit para sa PD, na dahil sa decreto Minniti na nagustuhan kahit ni Salvini dahil bumama ng 34% ang ‘sbarchi’ na naitala mula Hulyo hanggang Disyembre: mula sa 181,436 sbarchi ng 2016 ay bumagsak sa 119,247 ng 2017.
Gayunpaman, ang programa ng koalisyon ng centro-sinistra (PD, Insieme + Europa, Civica Popolare) ay nananatili sa iisang linya: pagkilala ng ius soli temperato, mapabuti ang Sistema ng ‘accoglienza’, mapaigting ang control sa mga borders, pagpapatupad ng ng batas sa pagpasok at pananatili sa bansa, European Compact Migration, mapabilis ang proseso sa pagsusuri sa mga asylum seeker application.
Samantala, sa programa naman ng Movimento Cinque Stelle ang imigrasyon ay ‘ang pinakamalaking kabiguan ng mga partido’, mula sa pag-asang paghiwalayin ang mga clandestines sa refugees, pagpapawalang-bisa sa Bossi-Fini at pagkilala sa ius soli at ius culturae. Dahil dito, kanilang programa ang mga international cooperation para sa layunin ng repatriation.
Pagkatapos ay ang koalisyon ng centro-destra (Forza Italia, Lega, Fratelli d’Italia, Noi con l’Italia), anti-migrant at bakal na kamay laban sa kalahating milyong mga hindi regular na imigrante. Ito ang buod ng kanilang programa, lalong higit sa North Italy: control sa mga borders, pagpapatalsik sa lahat ng mga clandestines, itigil ang mga pagdagsa ng mga migrante, pagtatanggal sa permesso di soggiorno per motivi umanitari at bawasan ang fund sa ‘accoglienza’.
Ang mga nabanggit ang programa ukol sa migrasyon. Marahil ay mabango ang ilan, ang ilan naman ay hindi. Ngunit ang sigurado ay isa sa mga programang ito ang magiging susi sa pagharap ng mga suliranin ukol sa migrasyon sa bansa, upang mabigyang halaga ang kanilang pananatili at kilalanin bilang ‘yaman’ at ‘kinabukasan’ ng Italya.
Para sa mga naturalized Italians na boboto sa March 4, ito ay isang karapatang dapat bigyang halaga at huwag isantabi lamang. Maging kayo ay minsang migrante din na tunay na nakaka-alam at nakakakilala sa sitwasyon ng isang migrante. Bahagi kayo ng naghihintay na magandang kinabukasan at maayos na politika ng bansa para sa ikalawa o ikatlong henerasyon, para sa ating mga pamilya at para sa isang mapayapa at mayamang Italya!
PGA