Walang eksperto na makapagsabi hanggang kailan.
Ang Abril 3, 2020 pambansang lockdown sa Italya ay walang garantiya na magtatapos na ang krisis. Kung pagbabatayan ang bilang ng nahahawahan ng covid19 at bilang ng mga namamatay. May pahiwatig na rin na aabot pa ito hanggang Mayo. Depende sa ireresulta ng naunang kautusan ni Primo Ministro Giuseppe Conte.
Ang malinaw, pinakaapektado sa krisis na ito ang mga nasa laylayan ng lipunan. Mga migrante na nakipagsapalaran para sa pamilya. Ngayon, nahaharap muli sila sa panibagong pakikipagbuno para mabuhay. Laban sa corona virus at sa papalaking bilang ng nawawalan ng trabaho. Maging ito ay panandalian o pangmatagalan. Dito sa Italya – malaki ang epekto sa kabuhayan at negosyo ng middle class at upper class. Sila yaong nag-eempleyo sa sektor ng Turismo, malilit na produksyon sa industriya, serbisyo, at sa sektor ng mga domestiko serbisyong pangkalusugan.
At dahil maging sila ay tinaman ng krisis – nag-domino effect ito sa mga mangagawa at mga migrante na nakaasa sa buwanan sahod. Sa gitna ng krisis pangkalusugan at disempleyo, nahaharap din sa emosyonal at sikolohikal na alalahanin ang ating mga kababayan. Isang buntis na Pilipina, asawa na nawalan ng trabaho, nakatira sa sentro ng covid19 ang labis na nag-aalala. May mga tsek-ap na dapat puntahan. Pangangailangan ng tamang diyeta. Ligtas na kapaligiran. Umuukilkil sa isipan. Binubulabog ang kapanatagan. Bagay na ipinagdadamot ng kasalukuyang mga pangyayari.
Malaking alalahanin din sa mga Pilipinong walang dokumento. Dahil sa ipinapatupad na lockdown at mga check point, nanganganib din ang kanilang seguridad. Napipigilan na sila ay kumita. Mas nagiging malabo ang kanilang mga pangarap. May ilan kaso na rin na lumitaw sa Social Media ng pag-aresto.
Kaakibat pa ang pag-aalala ng kanilang asawa at mga anak sa Pilipinas.
Nagsisikap din na makaangkop ang mga bata sa sitwasyon. Ang datirati na siklo ng pagpasok sa eskwela at pag-uwi. Mga karagdagang aktibidad. Paggawa ng mga takdang aralin. Pakikipaglaro sa mga kaklase, mga kaibigan at kababayan sa panahon ng mga kapistahan at pagtitipon ng kanilang komunidad na kinabibilangan. Lahat ito ay biglang nahinto. Ng walang pasintabi at paalala. Mahirap alukin ng kanilang murang isipan.
Napakabulnerable din ang mga may idad na nagtatrabaho. Ayon sa report ng Task Force Covid19 Ofw Watch, pinakamalaking bilang ng mga positibo sa virus ay matatanda. Tinataya na mahigit 70% ng mga Pilipino ay nagtatrabaho bilang kasambahay, Caregiver at Babysitter. At marami sa kasalukuyang nasa ganitong sektor ay yaong dumating sa Italya noong 1970 hanggang 1990. Inaasahan na ang kasalukuyang krisis ay magtatagal. At habang walang katiyakan ang lawak at lalim ng pwedeng epekto ng pandemya – alalahanin ito ng marami. May nagsasabi sa hanay ng Sektor sa Komersyo na maaring umabot pa ito sa Recession. Mas malalim pa sa inabot ng Krisis sa Pinansya noong 2009. Matatandaan na bumilang ng taon bago muling nakabangon ang ekonomiya ng Italya. Bago muling naging normal ang aktitud at kultura ng mamamayan.
Malaki ang nagbago sa pananaw ng mga Pilipino. Sa kanilang pananampalataya. Sa pang-araw araw na takbo ng buhay. Sa hapag kainan. At sa nakasanayan na sosyalisasyon sa kababayan sa panahon ng day-off. Nagbago din ang isipin kaugnay ng pagpapadala sa mahal sa buhay. Sa kabila ng mga ganitong kaganapan, nagpapatuloy ang buhay. Natututunan na umangkop. Pinipilit na maging normal ang di normal na kalagayan. (Ibarra Banaag)