in

Mary Jane Veloso: Sa likod ng ga-hiblang pag-asa

Bitbit ang isang backpack, baon sa puso ang hangaring makapaghanap-buhay sa ibang bansa upang mahango sa kahirapan ang pamilya. Naniwala sa pangako ng isang kababayan na siya’y mabibigyan ng trabaho bilang isang domestic helper sa Malaysia nguni’t pagdating doon ay nabigo. At dagliang pinatungo sa Indonesia upang doon magbaka-sakali at magaan ding nagtiwala na ang dalang maleta ay naglalaman lamang ng kanyang mga personal na gamit. Nguni’t lingid sa kanyang kaalaman, ang maletang ito na may laman palang 2.6 kilo ng heroin, ang siyang magpapahamak sa kanya at maghahatid sa kulungan at mahatulan ng kamatayan.  At doon na nga nagsimula ang kalbaryo ni Mary Jane Veloso.
     
Sino nga ba si Mary Jane Veloso? Isang anak, isang asawa, isang ina? Siya ba’y katulad mo at katulad din ng ibang naghahangad na makapangibang-bansa dahil natanim na sa isipan na ‘yun lamang ang paraan upang magkaroon ng magandang kinabukasan ang pamilya. 

       
Isinilang siya at lumaki sa Cabanatuan, Nueva Ecija, bunso sa limang magkakapatid. Maagang nakapag-asawa sa edad na 17 at nagka-anak ng dalawang lalaki, at matapos ay nahiwalay din sa kanyang asawa.  Nakapagtrabaho din siya bilang domestic helper sa Dubai ngunit makaraan ang ilang buwan ay napilitang bumalik ng Pilipinas dahil sa umano’y tinangka siyang gahasain ng kanyang amo.
     
Dahil dito ay nagsikap muling mag-aplay sa mga ahensiya nguni’t sadyang kakambal niya ay kamalasan. At noon nga dumating ang kababayang si Cristine Sergio, na siyang naging recruiter niya patungo sa Malaysia at naglaon ay sa Indonesia . Sa pagkahuli sa kanya sa Indonesia, noong  Abril 2010, pinatigasan niya ang kanyang salaysay na siya’y inosente, na wala siyang alam sa dala niyang bawal na gamot. Hindi rin siya nabigyan ng sapat na legal na tulong, maging ng isang mahusay na interpreter, kung kaya’t siya’y nadiin sa kasong smuggling na may katapat na sentensiyang kamatayan. Siya’y nahatulan noong Oktubre 2010 nguni’t  nagkaroon ng moratorium  sa kapital na parusa sa pamumuno pa noon ni Pangulong Susilo Bambang Yudhoyono.  Muling nagbigay ng petsa para sa hatol na kamatayan sa kanya noong Enero 2015 nang mahalal ang bagong pangulo na si Joko Widodo.
     
Ngayong taon lamang na ito umani ng publisidad ang kaso ni Mary Jane.Nabigla ang mga Pilipino dahil sa kakulangan ng impormasyon ukol dito.  Matapos ang ilang apela na ibinasura ng Korte, mga panawagan at pakiusap ng iba’t ibang kilala at maimpluwensiyang personahe, pakikisangkot ng iba’t ibang nasyon, ng mga organisasyon sa Pilipinas at ng maraming manggagawa na nasa labas ng ating bansa, pati na mga panalangin at petisyon ng mga kababaya, naitakda pa rin ang petsa ng pagpapatupad sa hatol na firing squad, ika-29 ng Abril, 2015, kasama ang iba pang walong nahatulan sa kahalintulad na kaso.
     
Sa kabila ng kawalan na ng pag-asa na siya’y mailigtas pa sa bingit ng hatol na kamatayan, nagbunyi ang sambayanan, lalo na ang kanyang dalawang anak at ang kanilang buong pamilya,  matapos ipahayag na pansamantalang sinantabi ang hatol kay Mary Jane. Nagkaroon ng pagbabago sa sitwasyon dahil sa pagsuko ng diumano’y kanyang recruiter na si Cristine Sergio. Muling pag-aaralan ang kanyang kaso at sisikaping maisiwalat ang buong katotohanan.
   
Sa ngayon, mas lalong di tayo dapat na tumigil sa ating panawagan para sa ikalalaya ni Mary Jane, mas lalong dapat na maging mapaggiit sa pamahalaan ng Pilipinas na bigyang-halaga ang kagalingan at kapakanan ng ating mga kababayan, nasa sariling bayan man o nangingibang-bansa.
     
Marami pa ang tulad ni Mary Jane na naghihintay ng kalinga at pansin mula sa atin, mula sa ating gobyerno. Papayag ba tayo na lagi na lamang magbuwis ng buhay ang ating mga kababayan dahil sa ating kapabayaan at pagwawalang-bahala?
     
 
Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 4]

High-skilled workers mas madaling makakapasok sa Italya

Regularization: Pag-asa sa mga tinanggihang aplikasyon