Sapat ba ang mga pag-aaral o research upang malampasan ang tinatawag na social costs of migration? Ito ang hamon sa ating lahat ngayon bilang anak o magulang o indibidwal, bilang miyembro ng asosasyon o community, bilang isang Pilipino at higit sa lahat bilang bahagi ng iisang komunidad dito sa Roma.
Roma, Agosto 21, 2015 – Isang research ang lumabas ilang araw pa lamang ang nakakalipas. Ito ay tungkol sa isang pagsasaliksik o research, ang ‘Excess Baggage’. Ito ay unang inilathala sa Washington DC, ng Orb, isang non-profit journalism organization. Sina Pierre Kattar and Alex Park ang tumutok sa ‘social costs of migration’ na hinaharap ng mga pamilya Pilipino sa Roma hanggang sa kasalukuyan.Ngunit sa kasamaang palad, ayon sa pag-aaral, higit na apektado ang mga anak, ang mga kabataan, na sana’y kinabukasan ng ating bayan.
Kabayan, isang saglit lang ito, kumpara sa mga taong hinintay ng marami sa atin na muling mayakap ang ating mga mahal sa buhay matapos ang ilang taong paghihirap, pananabik at pangungulila sa kanila ……
Kasabihan ng matatanda, hindi ka masasaktan kung walang katotohanan ang isang bagay. Ngunit, ramdam ang sakit habang binabasa, lalo na habang pinapanood ang video. Samakatwid, tumpak ang nilalaman ng research na ito.
Taong 70’s ng nagsimula ang migrasyon ng mga Pilipino. Europa, partikular ang Italya, sa naging paboritong destinasyon ng mga overseas Filipinos. Tulad ng alam nating lahat, ang reyalidad noong dekada 80 hanggang simula ng dekada 90 ay dalawa: ang ipadala sa mga kamag-anak sa Pilipinas ang mga ipinanganak sa Italya at ang maiwan ang mga anak sa Pilipinas sa puder ng kamaganak sa paglisan papuntang Italya na mga magulang.
Sa paglipas ng mga taon, guminhawa ang sitwasyon ng migrasyon sa Italya, at nakuhang muli ang anak o napetisyon sa pamamagitan ng family reunification.
Ngunit ang inaasam na pangarap na muling mabuo ang minsang nagkahiwalay ng magulang at anak, sa kasamaang palad ay naging isang mistulang bangungot sa maraming pamilya. Hindi magkakilala ang magulang at anak. Tumutulo ang luha ng mga magulang na nag sakripisyo sa mahabang panahon. Mabigat ang kalooban ng anak sa hirap na maunawaan ang bagong mundong kinabibilangan: ang kultura, ang wika pati ang Inang katugdong ng kanyang pusod ay hindi niya kilala.
Kasabay nito ang pagguho ng mga pangarap.
Ito ang hamon sa ating lahat ngayon bilang Pilipino, bilang miyembro ng pamilya, bilang bahagi ng asosasyon, organisasyon, community at mga grupo at higit sa lahat bilang iisang komunidad dito sa Roma. BUMANGON TAYO! Tayo ang hinahanap ng mga Italyanong pamilya sa pag-aalaga ng kanilang mga anak, dahil tayo ay mapag-mahal, maalagain at matiyagang mga babysitters. Ito ang panahon upang isigaw sa mundong pinag-aralan ang ating lahi sa ating pangingibang bayan na ngayon ang simula ng ating pagbangon.
Hindi tayo nabubuhay sa mundo ni ‘Alice and the wonderland’. Mahirap hanapin ang mga kabataan sa makabagong panahong kanilang ginagalawan. At tila mas mahirap ang magkaisa ang napakaraming mga leaders at mga asosasyon para sa iisang programa para sa mga kabataan.
Ngunit kung nais natin ng solusyon at pinahahalagahan ang kinabukasang ibangon ang ating mga kabataang Pilipino sa Roma, IKAW na ang bahalang sumagot sa puwang na aking iiwan ngayon kabayan……..
May maitutulong man o wala ang Embahada, OWWA o ng ilang institusyong lokal sa ikakabuti ng mga youth na ito, bilang indibidwal, malaki ang magiging bahagi mo!
Inaanyayahan ko kayong basahin ang research, panoorin at magnilay sa dalawang videos na napapaloob dito.
PGA