in

Oracion, masasandigang armas ng Sambayang Pilipinon sa harap ng pwersa ng Tsina

Hangaring ibalik ang magandang tradisyon ng oracion, o ang panalangin sa tuwing sasapit ang ika-anim ng gabi sa pamamagitan ng iisa at nagkakaisang Ugnayang-Panalangin, isang pananampalataya sa harap ng pwersa ng Tsina.

Rome, Agosto  13, 2013  – Labis na nakakabahala ang pag-ukopa ng Tsina sa 18 isla sa Kalayaan Islands at ang target nitong makuha ang Ayungin Reef kung saan makikita ang napakalaking oil deposit. Bukod sa Tsina, ilang karatig-bansa din ang nagpapahayag ng pag-aari sa mga teritoryong ito na tinatayang sa pusod nito ay may masaganang deposito ng mineral, tulad ng petrolyo at natural gas. Hindi lamang ang yaman ng kalikasang nasa pusod ng karagatang ito ang nakataya. Gayun din ang soberanya ng Pilipinas. Ang pag-ukopa sa mga isla ay isang maliwanag na imbasyon ng ating bansa.

Ang Tsina, bagong pang-daigdig na economic power at military power, ang may pinaka-masidhing nais na masakop ang mga islang ito bunga ng matinding pagka-uhaw nila sa enerhiyang magpapatakbo ng kanilang maunlad na industriya.

Sa kasalukuyang, nagmimistulang laban ni “David and Goliath” ang iringan ng Pilipinas at ng Tsina. Mahirap tapatan ang pwersang military at ekonomiya ng Tsina.  

Wala nga kayang magagawa ang sambayang Pilipino? Hahayaan na lang ba na kunin ang sadyang para sa bansang Pilipinas? Labis ang pag-asa ng bansa na ang mga naka-imbak ng yamang mineral, petrolyo at natural gas sa mga munting isla sa West Philippine Sea ang maaaring hahango sa kahirapan at magbibigay pag-asa sa mga mahihirap, sa dilang maralita ng lipunan at sa darating pang henerasyon ng lahing Pilipino.

Aninawing dumarating na ang tunay na bukang-liwayway ng Bansa na kung saan walang sinumang Pilipinong manlilimahid pa sa di-makataong kahirapan; wala ng pamilyang maninirahan pa sa lansangan o ilalim ng tulay; wala ng musmos na batang tutungo sa paaralang walang sapin ang paa; wala ng matutulog na walang laman ang sikmura; walang mangingibang bayan ng dahil lamang sa matinding kawalan ng hanap-buhay sa ating bayan; walang kakailanganing mamasukan sa gawaing halos mag-paalipin sa iba o magtungo sa mapanganib na bansa kung saan may digmaan at kaguluhan; walang nagsunog ng kilay sa Unibersidad upang  mamasukan bilang katulong sa bahay.

Huwag ring kalimutan na sa pamamagitan ng “prayer power” o pwersa ng panalangin ay napanumbalik ang demokrasya na walang pinatigis na kahit isang patak ng dugo.

Sa harap ng pwersa ng Tsina, muli tayo ay sama-samang lumapit sa Panginoon sa pamamagitan  ng panalangin at pananampalatayang sadyang mapanghahawakan at masasandigang armas ng Sambayang Pilipino.

Ito ang dahilan kung bakit ang ENFiD (European Network of Filipino Diaspora) at ang CATANGCAS Rome, ay naglulunsad ng pang araw-araw na “Oración”, isang “Prayer Networking” o “Ugnayang-Panalangin”, na naglalayong ibalik ang magandang tradisyon na sa tuwing pagsapit ng ika-anim ng gabi, ay tumitigil sa anumang gawain at nananahimik upang manalangin, lumalapit sa Panginoon sa katahimikan ng puso.  

Ang nasabing “Ugnayang Panalangin” ay hangarin ring ilunsad sa bawat community, sa mga asosasyon at grupo sa buong Italya at sa tinatayang 11 million na Filipinos in Diaspora hangga’t hindi nalulutas ang usapin sa West Philippine Sea. Ito ang pangunahing kahilingang ipanalangin at ito ang maaaring gabay.

PANALANGIN NG SAMBAYANANG FILIPINO
Amang Diyos, ang sambayanang Pilipino’y muling nagkakaisang naninikluhod sa Iyo. Kung paanong naipakita naming sa buong mundo ang mapayapang paraan ng pagbabalik ng demokrasya, dulot ng pagdinig Mo sa taus-pusong dalangin at matatag na pananampalataya, nawa’y mapagtagumpayan din naming ngayon, na walang ititigis na kahit isang patak ng dugo, ang nakakabahalang pagbabanta at pag-ukopa ng Tsina sa Scarborough (Panatag) Shoal at iba pang mga munting isla sa West Philippine Sea. Ang mga teritoryong ito, sampu ng masaganang taglay nitong petrolyo at “natural gas”, ay kaloob mo sa amin na maaaring mag-aangat sa ekonomiya ng aming Bansa, ang Perlas ng Silangan, at magkakaloob ng pag-asa sa milyong-milyong mga dukha sa dilang mga maralita at sa darating pang henerasyon ng aming lahi.
Mangibabaw nawa, Ama, ang mapayapang paraan ng paglutas sa hidwaa’t alitan at hinde ang paggamit ng pwersa’t karahasan. Umiral nawa ang katotohanan na siyang magpapalaya mula sa pagka-gahaman at pagka-masarili. Maghari nawa ang katwiran at kagandahang-loob upang ang lahat ng bansa sa timog ng Asya ay sama-samang umuunlad at walang maiiwan.
Ito po ang dalangin naming sa Iyo, sa pangalan ni Hesus na Iyong Anak at aming Panginoon, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo, ngayon at magpasawalang-hanggan. Amen.
 

PRAYER OF THE FILIPINO PEOPLE
            Heavenly Father, the Filipino People humbly comes to you once again on bended knees. As we have shown to the whole world the peaceful restoration of democracy in our country through the power of prayer and faith, grant that we may once again overcome, without shedding a single drop of blood, the threats of China and its occupation of the Scarborough Shoals and other islets in the West Philippine Sea. We believe that You have entrusted these territories and its rich minerals, oil, and natural gas to the Filipino Nation, to assure us of prosperity and so give hope to the poorest of the poor in our society and to our future generations.    
May the peaceful way of resolving conflict prevail and not the use of force. May the Truth that sets us free overcome greed and selfishness. May understanding and goodwill continue to reign so that every country in this part of Asia may all attain progress and prosperity in which no one will be left behind poor.
This is our prayer in the name of Jesus, your Son and Our Lord, who lives with You and with the Holy Spirit, now and forever. Amen.

 

(Mher Alfonso – Catangcas founder)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

UNITED ILONGGOS IN ITALY

Pilipinas, balik sa world basketball map