in

Pagbati ng OFW Watch Italy sa Paggunita ng Araw ng Kalayaan

Sinoman patriyotiko at makabayang pilipino ay naghahangad ng tunay na kalayaan. Kalayaang nakabatay sa mga tala ng kasaysayan at tunay na pangyayari. Di simpleng sentimyento at hiwalay sa mga islogan na nagliligaw sa isip at katotohanan.

 

Balikan natin ang ating kasaysayan:

Isang-daan at labing-siyam na taon na nga ba ang ating Kalayaan na ipinagdiriwang? 1898 -1902 ang digmaang Amerikano na kumitil ng mahigit 600 libong mamamayan at rebolusyonaryo. Direktang kolonya tayo ng Imperyalistang Amerikano bago ang 1935. Ang pagiging Pamahalaang Sibil (Commonwealth Government) ay naitatag lamang bilang paghahanda sa pagsasarili, sa turo at diktasyon pa rin ng mananakop. Kasunod ang kolonyalistang Hapones mula 1941- 1945.

Anuman ang sinasabi ng mga datos na ito;

Nakikiisa ang OFW Watch Italy sa paggunita ng Araw ng Kalayaan dahil mithiin ito ng sambayanang Plipino. Kung kaya’t kinukundina natin ang panghihimasok at pangugulo ng ibang bansa tulad ng nangyari sa Marawi.. Pinaniniwalaan natin na ang paghahasik ng kaguluhan na ito ay isang pagbabanta na ang pagtalikod sa Amerika at pakikipag-ugnayan sa mga bansang kalaban nito tulad ng Tsina at Rusya ay magluluwal ng kaguluhan.

Nakiki-gunita tayo kasama ng mamamayan at nananawagan na puspusin ang Usapang Pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDF. Ipatupad ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms nang sa gayon ay magkaroon ng sariling lupa ang mga mangagawang bukid at magsasaka, makatwirang sahod ang obrero at pagrespeto sa karapatan ng ating pambansang minorya sa lupa ng kanilang ninuno. At sa huli, manaig ang pagsusulong ng Nagsasariling Patakarang Panlabas tungo sa Pambansang Industriyalisasyon. Sa ganito, magkakaroon ng parehas na oportunidad ang mga makabayang negosyante at lahat ng aping sektor ng lipunan.

Binabalik-tanaw natin, bilang mga Mangagawang Pilipino sa ibayong dagat na siya ngayong tinaguriang” Bagong Bayani” ang di mapag-imbot na pag-aalay ng buhay ng ating mga bayani at taong bayan. Hanggang sa kasalukuyan, nakikihamok tayo laban sa matataas na singil tulad ng plano na gawing doble mula 45 euro ay maging 104 euro ang halaga ng ating pasaporte. Nagpapasalamat tayo na gagawin sampung taon ang bisa nito ngunit dapat gayundin sa menor de idad. Maari namang pagbatayan ang kanilang finger print o gawing libre ang pag-uulit ( renew).

Nakikipagkapit-bisig ang ating alyansa sa mga bayani at rebolusyonaryong lumaban sa pananakop at pangdarambong ng ating likas yaman at kapasyahang magsarili. Nananawagan tayo na itigil ang malawakang pagmimina at pagwasak sa Inang kalikasan. Dapat gamitin ito sa kapakinabangan ng mamamayan at di sa interes ng oligarkiya at mga dayuhang nagmamay-ari ng minahan. Wawasakin at mauuwi lamang sa wala ang ating mga ipinupundar na ari-arian kung hindi mahihinto ang lansakang pagyurak sa ating kabuhayan at mga kagubatan.

Ang OFW watch Italy ay nakatindig sa panig ng kanyang sektor at mamamayan. Gayundin sa mga makabuluhang aral ng di tapos na rebolusyong 1896.

Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

Mabuhay ang mga Mangagawa sa Ibayong Dagat!

Mabuhay ang Nagpapatuloy na Paghahangad para sa Tunay na Pagbabago! 

 

Komiteng Tagapagpaganap

Pambansang Konseho

OFW Watch Italy

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Citizenship acquisition, nangunguna ang Italya sa Europa

Ikaw, PILIPINAS ang Bayan ko