in

Paskong Pilipino sa Italya

Kasabay ng malamig na simoy ng hangin ngayong buwan ng Disyembre ay kasagsagan naman ng kainitan ng bagong batas ng imigrasyon sa Italya. Ito ay ang tanyag na Decreto Salvini na mistulang pamaskong handog ng gobyerno sa mga migrante sa Italya.

Hindi kaila sa lahat na layunin ng bagong batas ang higit na seguridad ng bansa, mas mahigpit na pagpapatakbo sa politika ng migrasyong tila napabayaan at nawalan ng regulasyon at samakatwid, nawalan ng tamang direksyon kasabay ng mabilis na paglobo sa bilang ng mga dayuhan.

Ngunit tama ba ang paghihigpit na hatid nito sa kasalukuyan? Isang katanungang naghahati sa komunidad sa dalawang magkasalungat na kasagutan: 1) sang-ayon ako sa paghihigpit at 2) isang batas na hindi makatao na magiging sanhi ng rasismo.

Ating isipin at pagnilayan ang mga kaganapan. Ang Europa, hindi lamang ang Italya, ay sumasailalim sa mabigat na banta ng terorismo, na karaniwang gawa ng makabagong mamamayang europeo. Dahil dito, unti-unting ang malawak na pinto nito ay simulang kumipot. Lahat ng dayuhan ay apektado. Una, ng tila paninisi at nakaturong hintuturo sa lahat ng dayuhan. Ikawala, ang mas malaking masa ng mga dayuhan na ang tanging hangarin lamang ay guminhawa ang pamumuhay ng mga pamilya ay apektado ng mga bagong batas na nagbibigay limitasyon at kung minsay  tila pagpapahirap sa minsang simpleng buhay.

Sa isang banda, kung ating pag-iisipan, kahit ang ating bansa ay gumagamit din ng kamay na bakal para sa hangarin ng isang pagbabago. Ito rin ba ang direksyong tatahakin ngayon ng Italya? Ang paggamit ng kamay na bakal para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng batas sa imigrasyon?

Ngayon ang pagkakataong maipakita ng komunidad sa bansang sa atin ay umampon na tayo ay masunurin at gumagalang sa batas. Umabot ang ating malaking popolasyon sa Italya, humigit kumulang sa 200,000 dahil sa naging maayos ang kanilang pagtanggap sa ating lahat. Ngunit tayo bilang ‘panauhin’ ay may obligasyong tupdin ang mga pinaiiral na regulasyon at patakaran, at ang obligasyong ito ay malaya nating tutupdin tulad ng malayang pagtanggap nila sa atin bilang mamamayan. Nang hindi malilimutang ipaglaban ang ating mga karapatan ng may pasintabi at pagsasaalang-alang.

Ito ang Paskong Salvini! Paskong may bagong regulasyon at nagtuturo sa bawat Pilipino na paka-ingatan ang dokumento (permesso di soggiorno o carta di soggiorno) dahil sa maliit na dokumentong ito nakasalalay ang ating regular na pananatili at matiwasay na pagta-trabaho sa bansang ito.

Sa kabila nito, tuluy pa rin ang Paskong Pilipino sa Italya. Paskong nagbibigay pag-asa sa bawat isa na syang pinakamahalagang mensahe sa okasyon ito.

Kaugnay nito, bilang pahayagan, hayaan nyong kami ay makapaglingkod sa inyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pinakabagong balita ukol sa migrasyon na makakatulong sa isang mas matiwasay na pamumuhay bilang mamamayan.

Isang mapagpalang Pasko at masaganang Bagong Taon po sa inyong lahat!

 

Pia Gonzalez-Abucay

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Nakakatawang Pamanhiin tuwing Pasko

Edad para sa Assegno Sociale mula Enero 2019, itinaas sa 67 anyos