Ano na nga ba ang nangyayari sa mga Pilipino sa Italya lalo’t higit sa Roma? Mula sa pagiging kilala bilang organisadong komunidad, relihiyosa, masisipag, mababait at mapagkakatiwalaang kasambahay o sabihin na nating Pilipino, nababantog naman sa mga local newspapers ang krimen na ginagawa ng ating mga kababayan. Siyempre, hindi natin ito tinitingnan sa pagkalahatang katangian ng mga Pinoy. May kasabihan tayo, “ang sakit ng kalingkingan ay ramdam ng buong katawan”.
Matatandaan noong buwan ng Abril, taong kasalukuyan, inaresto si Winston Reves Manuel makalipas ang dalwampung taon dahil sa pagpatay sa kanyang employer na kondesa Alberica. Umamin si Manuel na siya mismo ang pumatay o ang tanong ng marami nating kababayan, umamin nga ba o pinilit na umamin?
Noong Mayo, Pinay na 59 anyos inaresto dahil sa bitbit nitong 49.50 grams ng shabu na nakatago sa isang maliit na plastic sachet na nasa loob ng isang portable DVD player na ipinadala ng kapwa OFW sa Roma. Nakulong sa Civitavecchia prison at nabartolina pa, pero dahil sa siya’y inosente at dahil na rin sa tulong ng kaniyang mga anak, kaibigan, lawyers, Embahada sa Roma at Filipino Chaplaincy na naglungsad ng signature campaign na iprinisinta sa Korte, napawalang sala ang Pinay.
Hunyo 21, limang kabataang Pinoy naman ang inaresto sa salang panggagahasa noong Abril 30 sa isang dalagitang italyana na may edad na 17 sa Pineta Sacchetti.
Panghuli, kahapon, ika-18 ng Hulyo, nabalita sa mga dyaro na may isang Pinay na dinampot matapos patunayan na nagnanakaw ng pera sa employer na may edad na 86 sa Roma. Ayon sa mga balita, umabot na sa 80,000 euro ang nakuha ng Pilipina sa pobreng employer. Nakatago diumano sa isang kwaderno ang perang kinukuha ng employer sa bangko mula pa noong 2008. Natuklasan ang tahasang pagnanakaw dahil sa isang sabwatan sa pagitan ng mga pulis ng Monteverde at ng isa sa mga anak. Nagxerox ang mga pulis ng ilang pirasong perang papel at ito ay inipit sa libro tulad ng ginagawa ng matanda bago pa man dumating ang Pilipina sa bahay ng kanyang pinaglilingkuran. Ayon sa balitang nahayag sa website ng Ako ay Pilipino, ang Pilipina ay inabangan ng mga pulis sa labas ng tahanan ng employer nito sa Via Montagna delle Rose sa Monteverde. At tulad ng inaasahan, nahuli ang Pilipina ng mga pulis dahil natagpuan ng mga ito ang kinopyang perang papel sa bulsa ng Pilipina. Ito ay agad namang inaresto at natagpuan din sa ilalim ng kama nito sa kanyang tahanan ang 5,000 euro cash na pinaghihinalaang ninakaw rin mula sa matanda.
Mapapansin, kada buwan, may masamang balita tungkol sa mga Pilipino. Ano na ang nagyayari sa mga Pinoy. Pagpatay, panggagahasa, droga, pagnanakaw. Pansinin natin, lahat may kinalaman sa pera. Ito ba ay dala ng kahirapan? Nakakalungkot isipin. Subalit ano nga ba ang kaya nating gawin? Nasaan na ang ating takot sa Diyos? Bato-bato sa langit, tamaan ‘wag magagalit.
Ano na ang nangyayari sa ating mga kabataan? Hindi nga ba’t panahon na para harapin natin ang lumalalang problema sa ating komunidad. Hindi nga ba’t panahon para tayo ay magnilay. Mga magulang, handa ka bang harapin ang lumalalang problema ng inyong mga anak? Nalalaman ba natin ang kailangan ng ating mga anak? O wala tayong inaatupag kundi ang maghanapbuhay na ayon nga sa ating sariling desisyon, ang paghanap ng pera ay para rin sa kinabukasan ng ating mga anak, magulang, kapatid, apo at mga pamangkin. Hindi nga ba’t ito ay mga pangyayari upang tayo ay magkaisa at magsama-sama upang hanapan ng solusyon ang lumalalang sitwasyon?
Hamon ko po sa mga kinatawan ng ating komunidad, magkaisa at magpulong upang kilalanin ang pangangailangan ng ating komunidad lalo’t higit ang mga kabataan. Gising Pinoy! Muli nating itaas ang ating komunidad. Magkaisa at ‘wag sana tayong manatiling bulag. Makialam para sa kaayusan ng lipunan.
ni Liza Bueno-Magsino