in

SANATORIA 2002, isang paglingon

Taong 2001, isang napakalaking hamon para sa akin ang pagpunta dito sa bansang Italya.  Isang matatag na trabaho ang aking tatalikuran bukod pa sa pamilyang noon ko lang mararanasan ang mapalayo.

Sa totoo lang hindi naman ako magsisimulang mag-isa. May mga kamag-anak akong pinuntahan sa bandang timog ng Italya.  Ngunit sa kabila nito, alam ko na kailangan kong humugot ng katatagan mula sa aking sarili, matutong tumayo sa sariling paa sa pagharap sa panibagong yugto ng aking buhay. Buhay na hindi nakasanayan at salitang di ko alam kung aking matutuhan.

Ang unang taon ay lumipas na para lamang isang pahina ng aklat.  Bawat hamon ay hinarap huwag lamang makaramdam ng kalungkutan.

Isang umaga ng Agosto 2002. Magandang balita ang sumalubong sa akin habang papasok ako ng trabaho.  Magkakaloob ang pamahalaan ng sanatoria para sa mga dayuhang gaya ko.  Dayuhang maswerte at nakatungtong ng bansang Italya ng walang naging problema.  Di ko man maintindihan ang kabuuang nakasaad sa nasabing batas, ang tanging naalala ko ay ang tawag dito na Bossi-Fini. Hango mula sa pangalan nina Umberto Bossi at Gianfranco Fini, mga pulitikong may akda ng batas 189 na nilagdaan noong ika-30 ng Hulyo 2002. Ang naging pananaw ko sa oras na iyon, di magtatagal ay makakapiling kong muli ang aking pamilya sa lupang aking pansamantalang iniwan. Datapwat marami pang dapat asikasuhin, ang permisong papel ay magsisilbing liwanag sa kalagayan ng kagaya kong ilegal na namumuhay at di maituring na isang mamamayan ng Italya.

Bago pa man mangyari ito, sinasabi nilang mas magiging mahigpit ang pamahalaan sa mga manggagawang kagaya ko.    Kasabay ng nasabing sanatoria, binago din ng batas na ito ang mga kondisyon para sa mga banyagang manggagawa gaya ng pagbibigay ng bawat dayuhan ng fingerprint para sa tala ng lokal na pulisya.

Gayang kasalukuyang panuntunan, kinakailangan ding pumila sa posta para makakuha ng dokumentong dapat pirmahan at magbayad ng kaukulang halaga na €330 bilang pangunahing bayad para sa INPS o kontribusyon. Huwag nating paghambingin ang halagang ito sa kasalukuyang halaga na €1,000 sinasabing magiging unang bayad para sa sanatoria ng 2012.  Iba noon kesa ngayon ang estado ng buhay.

Kahit pa ako ay binigyan ng kasiguruhan na tutulungan ng taong aking pinagtratrabahuhan; hanggang sa naipadala na sa posta ang applikasyon, hindi pa rin nawawala ang aking agam-agam.  Marami ang nagsasabi na ako ay mapalad dahil sa loob lamang ng isang taon ako ay magkakaroon na ng permesso di soggiorno.  May mga kaibigan at kakilala din akong inabot ng ilang taon ang paghihintay para dito.

Buwan ng Pebrero 2003, isang liham ang dumating sa akin.  Nakatala dito ang petsa at oras ng aking pagpunta sa Prefetura para sa paglagda ukol sa nasabing regularisasyon.  Nakapaloob din  dito ang mga dokumento na dapat dalhin. Tuliro pa rin ang utak ko hanggang sa dumating ang ika-28 ng Pebrero, alas 9 ng umaga, ang takdang araw na magtatapos ng aking pagiging clandestina dito sa Italya.

Matapos akong pumirma ng kontrata, laking gulat ko dahil binigyan na rin ako ng Codice Fiscale.  Nakahanda na rin pala ang aking kauna unahang permesso di soggiorno. Hindi ko na kinakailangan pang pumunta sa Questura. Permessong sinasabing magbubukas ng mas malawak pang pagkakataon lalo na sa larangan ng trabaho.  Habang ako ay pumipirma sa pahina ng permesso di soggiorno, di ko talaga maintindihan ano ang aking pakiramdam.  Una sa lahat ay tuwa, dahil makakalabas at makakabalik ako ng Italya ng walang inaalalang problema sa papel. Pangalawa, ay kung ano ang mga dapat ko pang gawin para sa mga residence, carta identita, etc. Pangatlo, sandaling panahon na lang sana ang paghihintay  para makasama ko ang aking pamilya.

Sa taong din iyon, ako ay nakauwi sa Pilipinas.  Ganoon nga pala, kahit ano pang sabihin, ang unang-una mong iisipin ay makabalik ka sa lupang sinilangan at manalanging sana makasama mo na ang iyong mahal sa buhay.

Ngayon, 10 taon na ang nakalipas.  May isa ng sanatoria ang dumaan noong 2009, at ngayong Setyembre ay may isa pang ilalabas.  Ni minsan, di ko naisip na ako ay tatagal ng higit isang dekada dito sa Italya.  

Sa kasalukuyan, kasama ko na ang aking pamilya na namumuhay dito ng mapayapa.  Hindi man buong-buo ang kasiyahan dahil namimiss ko pa rin ang pagkaing Pinoy na hindi ko mabili o mailuto dito, ang mga taong may malaking ambag sa aking buhay o kaya ay isipin ang buhay na kinalakihan ko sa ating bayan .  Iisa lang ang nasa puso at isip ko, babalik at babalik pa rin ako sa aking lupang tinubuan.  Ang permeso na hawak ko ay ang aking kasalukuyan, ngunit mas maalab ang kaway ng aking kahapon at bukas na naghihintay ang aking mahal na Pilipinas. (ni: Michelle Bucu-Torres)

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Biktima ng lindol – Isang taong extension ng validity ng mga permit to stay

Ang gamot sa pananakit ng ulo