in

Si Cardinal Chito Tagle sa aking paningin

Kilala ang Cardinal sa kanyang pagiging malapit sa mga mahihirap at nangangailangan. May taglay siyang karisma at galing sa pananalita. Isa siya sa mga tumutuligsa laban sa aborsyon at kontrasepsyon.

Una kong narinig ang kanyang homiliya noong ipagdiwang ng mga Pilipino dito sa Roma ang Family Day sa Our Lady of Fatima, Oct0ber 14, 2012. Napangiti ako sa kanyang mga biro, napatawa sa kanyang mga kwento, napahanga sa angking galing sa pananalita at napaluha sa kanyang emosyonadong pag-alala tungkol sa awiting “Papuri sa Diyos” na isinulat ni P. Eduardo Hontiveros, SJ at ibinigay sa kanya upang ituro sa isang Koro ilang taon na ang nakalilipas at hanggang sa ngayon ay patuloy paring inaawit sa mga Misang Pilipino ng Simbahang Katoliko saan mang sulok ng mundo.

Tumanim sa utak ko ang sinabi niya na kaming mga OFW ay hindi lamang narito upang magtrabaho kundi mayroong mahalagang Misyon ang bawat isa para sa ikapagpapalaganap ng kaharian ng Diyos. Halos hindi matapos ang palakpakan ng mga Pinoy na naroon sa ganda ng kanyang homiliya.

Hindi niya alam ng mga sandaling iyon na siya pala ay magiging isang Cardinal halos isang buwan lamang matapos ang nasabing pagdiriwang.

Sa kanyang napakabatang edad na 55, si His Eminence Cardinal Luis Antonio “Chito” G. Tagle ay napabilang na nga sa mga Cardinals ng Simbahang Katoliko noong November 24, 2012.

Maaga pa nga lamang ng sabado ay isa na ako sa naka-pila sa St. Peter’s Basilica upang masaksihan ang seremonya. Dala ang bandila at iwinawagayway, halos hindi mailarawan ang kasiyahan ng bawat Pilipino na naroon. Puno ng kagalakan ang puso ng mga Pinoy habang ang iba ay nanggaling pa sa kung saan-saang lupalop ng mundo makita lamang ang natatanging araw.

Hindi ko man siya nalapitan sa dami ng tao, masaya na akong naroon sapagkat naging kaisa ako sa diwa ng kabanalan.

Napaluha ang batang Cardinal nang siya humarap sa Banal na Papa Benedict XVI upang tanggapin ang bendisyon, singsing at berretta (Cardinal’s cap) tanda ng kanyang panibagong misyon. Lubos ang kaligayahan at napuno ng emosyon ang sambayanang Pilipino ng mga sandaling iyon.

Hindi ko akalain na ng gabing iyon pagkatapos kumain sa isang pizza house kasama ang aking mga kaibigan at si Msgr. Bernardo(isa sa mga delegado mula sa Pilipinas)ay biglang makita namin siya sa sasakyan habang naghihintay sa kanyang mga kasama. Halos tulog na siya sa pagod pero ng lapitan namin siya ay nakuha parin niya kaming ngitian na tila balewala ang nararamdaman niyang kapaguran. Masaya niya kaming pinaunlakan sa request naming picture taking ngunit dahil sa hindi siya makalabas sa sasakyan dahil sa isang kotseng nakaharang pinilit niyang binuksan ang bintana upang iabot ang kanyang kamay at kami ay bendisyunan.

Para akong naglalakad sa alapaap ng mga sandaling iyon. Buong-buo ang aking araw at pakiramdam ko ay isang malaking biyaya ang aking natanggap. Mababanaag mo sa kanyang mga ngiti ang kaligayahan, kapanatagan, kabanalan at kababaang loob.

Isa siyang huwaran at inspirasyon para sa lahing Pinoy. Sa kanyang Misa ng pasasalamat sa St. Paul’s Basilica ng sinundang araw (lingo,November 25, Feast of Christ the King) ay namangha siya sa dami ng mga Pilipino na halos napuno na nga ang loob ng Basilika. Kanyang sinambit na nawa ay punuin natin ng musika ng Pag-ibig ang mundo. Binigyang diin niya ang kahalagahan ng pamilya na sa lahat ng sandali, kaligayahan man o kahirapan ay sila ang iyong matatakbuhan at laging karamay sa anumang oras.

Hindi ko na malilimutan ang wagas na ngiti at bendisyon na iyong iginawad sa amin sapagkat ng mga sandaling iyon ay naramdaman ko ang hiwaga at misteryo ng pagmamahal ng Panginoon.

Palagi mo nawa kaming isama sa iyong mga panalangin. Kami man ay nananalangin na patuloy kang maging isang biyaya sa buhay ng marami. Pagpalain kang palagi ng Diyos na Makapangyarihan sa bagong yugto ng iyong buhay Espiritwal.

This year of faith may we all walk together with deep understanding and trust in God for His Love endures forever! (ni: Lorna Tolentino)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

PHL EMBASSY ROME PARTICIPATES IN CHRISTMAS BELEN EXHIBITION

1st European Healing Crusade ng DWXI-PPFI, ginanap sa sa Roma