Isang mahalagang tulong pinansyal mula sa gobyerno ng Italya ang ibinibigay sa mga mamamayan na 67 anyos pataas na nasa mahirap na kalagayan sa buhay.
Ito ay ang Assegno Sociale na hindi nakadepende sa mga kontribusyon sa social security sa Inps. Samakatwid, kahit hindi nakakumpleto o hindi nakapagbigay ng kontribusyon, maaari pa ring mag-apply ng assegno sociale. Ito ay nakalaan sa mga Italyano, mga Europeans, at maging mga dayuhang residente na may permesso di soggiorno CE-SLP.
Mga Pangunahing Requirements ng Assegno Sociale 2024
Para makatanggap ng Assegno Sociale, narito ang mga kailangang matugunan:
- Edad: Dapat ay mula 67 taong gulang pataas;
- Nasyunalidad: Italyano, Europeo, o dayuhang may permesso di soggiorno CE-SLP;
- Residency: Naninirahan sa Italya nang hindi bababa sa sampung taon nang tuloy-tuloy;
- Yearly Income: Kung mag-isa o single, ang kita ay dapat mas mababa sa € 6,947.33. Kung may asawa, ang pinagsamang kita ay hindi dapat hihigit sa €13,894.66.
Halaga ng Assegno Sociale Para sa 2024
Ang kabuuang halaga ng Assegno Sociale ay €534.41 kada buwan, at ibinibigay ito sa loob ng labintatlong (13) buwan sa isang taon. Subalit, kung may bahagyang kita, ang matatanggap na halaga ng assegno sociale ay hindi ang kabuuang halaga nito bagkus ang halaga matapos ibawas ang sariling kita.
Halimbawa ng Kalkulasyon:
Halaga ng Assegno Sociale 2024: €534.41
Ibabawas dito ang halaga ng iyong kita: Halimbawa, kung ang kita ay €200, ang matatanggap ay €334.41.
€534.41 – €200 = €334.41 kada buwan.
Kung ang kita naman ay mas mataas sa itinakdang halaga, hindi na magiging kwalipikado para sa Assegno Sociale.
Kailan Matatanggap ang Assegno Sociale
Ang Assegno Sociale ay magsisimulang ibigay mula sa unang araw isang buwan pagkatapos makumpleto ang aplikasyon.
Para maiwasan ang anumang pagkaantala, mas mabuting mag-apply nang maaga.