Ang Hepa B o Hepatitis B ay isang sakit sa atay. “Hepa” ang tumutukoy sa atay at “-itis” naman ang nangangahulugan na pamamapaga o “inflammation”. Ang atay o “liver” ay isang bahagi ng katawan na naglilinis ng mga chemicals sa dugo; ito’y parang bangko ng enerhiya. Isang seryosong sakit ang Hepatitis B sapagkat ito’y maaaring magdulot sa mga komplikasyon na nakakasira sa atay at maaaring magbigay-daan sa cancer ng atay o liver cancer.
Ano ang kaibahan ng Hepatitis B sa Hepatitis A?
Hepatitis A ay isa ring sakit sa atay na dulot ng isang virus, ang Hepatitis A virus. Ito ay karaniwang nakukuha sa pagkain na kontaminado ng Hepatitis A. Bagamat ito’y isang sakit rin ng atay, kadalasan ito’y kusang nawawala ng walang komplikasyon di gaya ng Hepatitis B na maaaring makasira sa atay at magtungo sa cancer ng atay o liver cancer.
Ano ang sanhi ng Hepatitis B?
Ang Hepatitis B virus ang siyang sanhi ng Hepatitis B. Ang mga virus ay napakaliit ng mga mikrobyo o “germs” na nagdudulot ng sari-saring mga sakit gaya ng trangkaso (flu), denge (dengue), HIV/AIDS, bulutong (chicken pox), at iba pa.
Paano nahahawa o nakukuha ang Hepatits B?
Gaya ng HIV/AIDS, ang Hepatitis B ay maaaring makuha o mahawa mula sa dugo o semilya ng isang tao na may Hepatitis B. Maari itong makuha ng:
Isang sanggol na pinanganak ng isang babaeng may Hepatitis
Pakikipagtalik sa isang taong may Hepa B, lalo na kung walang proteksyon.
Pagpapapatato (tattooing) gamit ang mga kagamitan na hindi malinis
Aksidenteng pagkatusok ng karayom na ginamit sa isang taong apektado ng Hepatitis B
Hiraman ng karayom sa mga gumagamit ng bawal na gamot na tinuturok (IV drugs)
Kung mapapansin natin, ang mga nabanggit sa itaas ay siya ring mga karaniwang paraan para mahawa ng HIV/AIDS na isa ring virus. Dahil dito, ang mga gawaing ito (pakikipagtalik sa kapwa lalake, pakikipagtalik sa mga prostitute, paggamit ng mga droga na tinuturok) ang tinataguriang high-risk behaviors. Kung ginagawa mo ito, delikado.
Ano ang mga Sintomas at Komplikasyon ng Hepa B (Hepatitis B)?
Mahigit na kalhati (50%) ng mga taong may Hepatitis B ay walang mararamdaman ng kahit anong sintomas, kaya napakahalaga ng screening.
Mga karaniwang sintomas ng Hepatitis B
Kawalan ng ganang kumain
Pagiging matamlay o pagkakaron ng pakiramdam ng pagod
Pangangati sa buong katawan
Paninilaw ng balat sa buong katawan
Pagkakaroon ng ihi na kulay tsaa at iba pang pagbabago sa pag-ihi
Ang malalang uri ng Hepatitis B ay maaari ring magdulot ng:
Biglaang paglaki ng tiyan
Biglaang paninilaw
Pagiiba ng pag-uugali, pagiging irritable o magagalitin
Pagiging pala-tulog o antukin, pagkalito
Tandaan: Ang mga sintomas na ito ay hindi eksklusibong sa Hepatitis B lamang; maaari rin silang maramdaman sa ibang uri ng Hepatitis gaya ng Hepatitis A, Hepatitis C, o hepatitis o sakit sa atay ng dulot na alak o gamot (drug-induced hepatitis).
Ano naman ang mga maaaring komplikasyon ng Hepatitis B?
Di gaya ng Hepatitis A na kusang nawawala, ang Hepa B ay maaaring manatili sa katawan bilang isang patuloy na impeksyon o kaya chronic Hepatitis B infection. Ito’y maaaring magtulak sa pagkawasak o malubhang pagkasira ng atay na tinatawag na liver cirrhosis o cirrhosis.
Ang Hepatitis B ay isang risk factor sa Liver Cancer. Pag sinabing risk factor, ito’y nagpapataas ng probabilidad na magkaron ka ng liver cancer.
Sakit sa bato – Pwedeng madamay ang bato sa sakit sa atay.
Maaari ring makaapekto ang Hepatitis B sa iba pang mga bahagi ng katawan
Paano ang konsultasyon at laboratory tests para sa Hepatitis B?
Kung mayroon sintomas ng Hepatitis B, magpatingin agad sa doktor. Maaaring kahit sa General Practioner o Family Doctor muna magpatingin. Maari ring lumapit sa isang spesyalista sa tiyan at bituka o Gastroenterologist.
Malamang, ang mga laboratory tests na ipapagawa ay ang tinatawag na Hepatitis profile. Ito ang isang pagsusuri ng dugo kung saan makikita ang iba’t ibang bahagi ng Hepatitis virus. Maaaring isama narin dito ang pagsusuri sa Hepatitis A. Sa mga resultang ito, malalaman kung mayroong Hepatitis B, at anong uri nang Hepatitis B– maaaring acute Hepatitis B infection (ibig sabihin, kakahawa lang ng Hepa B at aktibo ang impeksyon) chronic Hepatitis B (ibig sabihin, matagal nang mayroon), past Hepatitis B (nagkaroon dati pero ngayon wala na), o kaya Hepatitis A. Kung gusto lamang masigurado na wala kang Hepatitis B, maaaring ang suriin lang ay angHbsAg at ang Anti-Hbs na mga laboratory tests.
Sa sariling dugo ay maaari ring suriin ang Liver Function Tests kagaya ng ALT, AST, Alkaline Phosphatase, at iba pa –ang mga ito ay sukat ng katayuan ng atay. Sa ibang mga kaso, lalo na sa mga bata, pwede ring suriin ang “Bilirubin” sa dugo. Ang “Bilirubin” ay syang responsable sa paninilaw ng katawan lalo na kung tumaas ang level nito sa dugo.
Sa kasalukuyan, walang gamot sa Hepatitis B na ibinibigay para sugpuin ang virus. Gaya ng ibang mga virus, ito’y kusang nawawala maliban nalang sa ibang mga kaso kung saan ang Hepatitis B ang nagtutuloy-tuloy bilang “chronic Hepatitis B infection”.
Ano ang gamot sa Hepa B at paano ito maiiwasan?
Ang Hepatitis B vaccine ay ang pinakamahalagang paraan para makaiwas sa Hepatitis B. Ito’y itinuturok sa mga sanggol ng tatlong beses: pagka-panganak, makaraan ang 6 na lingo, at makaraan ang 6 na buwan. Sa paglaki ng bata maaaring kailanganin rin ng booster shot para madagdagan ang resistensya. Ang mga matatanda ay binibigyan din ng Hepatitis B vaccine. Para sa mga gustong malaman kung kailangan ba niya ng Hepatitis B vaccine, maaaring magpakuha ng HbsAg at Anti-HbS – dalawa sa mga bahagi ng Hepatitis profile – para malaman kung may sapat na bakuna ba sa katawan, o kailangan itong dagdagan ng booster shot o panibagong Hepatitis B vaccine.
Ang pag-iwas sa mga high-risk behavior ay makakaiwas rin sa pagkakaroon ng Hepatitis B. Ang pag-iwas sa pakikipagtalik kung kani-kanino, ang paggamit ng condom, ang hindi paggamit ng bawal na gamot ang mga hakbang para maka-iwas sa Hepatitis B.