Ang COVID 19 at ang seasonal flu ay parehong viral infection o sakit na sanhi ng isang uri ng virus. Hindi sila bacterial infectionkaya hindi sila ginagamot gamit ang ibat ibang uri ng mga antibiotics. Pareho din silang naisasalin sa iba sa pamamagitan ng droplet transmission. Ito ay nangyayari kapag ang taong apektado ay umubo at bumahing, ang mga fluid na mula sa kanyang katawan ay sumasama sa hangin na maaring mahinga ng mga taong katabi niya o kaya ay maiwan na nakakapit sa mga surfaces na maaring mahawakan naman ng iba.
Ano nga ba ang kanilang pagkakaiba?
- Sila ay nanggaling sa magkaibang uri ng tinatawag na family of viruses. Ang COVID 19 ay isang uri ng coronavirus na ngayon lamang na detect sa tao. Ito ay pinaniniwalaang nagmula sa Wuhan, China mula sa sakit ng hayop na naisalin sa tao. Ang mga ibang impeksyon na sanhi ng pamilya ng coronavirus ay mula sa ordinaryong ubo’t sipon hanggang sa mas malalang Middle East Respiratory Syndrome (MERS) at Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS).
- Samantalang ang seasonal flu naman ay mula sa pamilya ng mga influenza viruses na kumakalat at nabubuhay kapag malamig ang panahon.
- Mas nakakahawa ang COVID 19 kaysa sa seasonal flu. Ayon sa mga pag-aaral at ulat hanggang sa puntong ito, ang bawat taong may impeksyon mula sa COVID 19 ay makakahawa ng 2 pang iba pang tao, samantalang ang taong may seasonal flu naman ay makakahawa ng tinatayang 1 pang tao.
- Mas mataas ang mortality rate ng COVID 19 kaysa sa seasonal flu. Tinatayang ang 1.4% hanggang 3% ng mga pasyente na mayroong COVID19 ay namamatay kumpara sa 0.05% na apektado naman ng seasonal flu.
- Bagaman parehong mapanganib ang seasonal flu at COVID19 sa mga taong may edad 65 pataas, naobserbahang mas mapanganib ang seasonal flu sa mga bata.
- Mayroon mga sintomas na magkahawig ang seasonal flu at COVID 19 gaya ng lagnat, ubo, at sakit ng katawan at hirap sa paghinga sa unang mga araw nito. Ngunit mas madalas ang pagkakaroon ng pneumonia ng mga pasyenteng may COVID19 sa mga unang araw pa lamang ng pagkakasakit. Sinasabi ring mas malala ang mga sintomas na nararamdaman ng mga taong may COVID 19 kaysa sa seasonal flu. Ilan sa karaniwang sintomas ng seasonal flu na di karaniwang nakikita sa mga pasyenteng may COVID 19 ay ang pagkakaroon ng sipon at pagsakit ng lalamunan (sorethroat).
- Ang seasonal flu ay nagagamot ng mga antiviral drug at makikita ang pagayos ng kalagayan ng mga pasyente lalo na kung nagamot agad sila sa paglabas pa lamang ng mga unang sintomas nito. Para sa COVID 19, wala pang gamot hanggang sa ngayon pero nakakatulong ang suporta sa pagpapalakas ng katawan ng pasyente gaya ng pahinga, fluids para maiwasan ang dehydration at sa ilang pasyente ay kailangan din ang oxygen support.
- Mayroong bakuna laban sa seasonal flu at ito ay maaring mahingi mula sa inyong mga doktor. Sa ngayon ay ginagawa pa lamang ng mga eksperto ang bakuna laban sa COVID 19 at sinasabing ito ay maaring magamit sa loob ng mga darating na buwan, ngunit maaring abutin pa ng taon bago ito maging available para sa nakararami.
Kailan dapat magpatingin sa mga doktor sa pamamagitan ng pagtawag sa hotline na inilaan laban sa COVID 19 o sa mga emergency hotline numbers na nilaan ng national at local na mga pamahalaan?
- Kapag biglang nagkaroon ng kahit isa sa mga sintomas na ito: ubo, lagnat at hirap sa paghinga at nanggaling (huling 14 na araw) sa mga lugar na may kumpirmadong kaso.
- Biglaang sakit na umaapekto sa respiratory system (paghinga) at may naging kontak sa taong kumpirmadong may COVID 19
- Matinding lagnat na may kasamang ubo o hirap sa paghinga na walang ibang dahilan na makita ang mga doktor.
Ang national hotline sa Italya ay 1500 at mayroon ding nakalaang ibat ibang toll free numbers ang bawat rehiyon. Kung meron kayong sintomas na ganito, mahigpit na pinapayong kayo ay tumawag sa mga numerong nakalaan dito at huwag pumunta sa mga clinic at ospital para maiwasan ang pagsalin ng sakit sa ibang tao.
Isinulat ni: Elisha Gay C. Hidalgo, RND (Registered Nutritionist Dietitian)