Isa ka rin ba sa mga napapagod na sa masalimuot na mundo ng social media? Na-miss mo na rin ba ang mga panahon na ginagamit lamang natin ang Facebook, Twitter, Instagram, at iba pang mga social networking sites para paigtingin ang pagkakaibigan at mag-share ng mga nakakatuwang mga kaganapan sa ating buhay? Ninanais mo din bang maibalik sa dati ang katiwasayan ng internet?
Ganoon din ang pakiramdam ng nakararami. Ikaw, ako, at marami pang iba ang gustong makagamit ng social media nang maayos. Yung walang bangayan, walang murahan, walang panlilinlang, o kaya’y pagkakawatak-watak.
Paano nga ba ang tamang paraan ng pag-gamit ng social media? Halina at baybayin natin ang ilan lamang sa mga pamamaraan upang maibalik natin ang katinuan sa internet. Maaring sa pamamagitan ng mga maliliit na gawaing ito, magsilbi tayong halimbawa sa mas nakararami pa nating mga kababayan at kaibigan upang mapanatili natin ang kagandahang asal online.
- Tandaan na ang social media at ang internet ay isang publikong lugar
Anumang bagay na ipost natin sa social media at sa internet ay naisasapubliko. Ang isang post ay maaring mabasa ng daan-daan nating mga kaibigan. Maari din itong mai-share at umabot sa libu-libo, o maging milyun-milyong naka-konekta sa internet.
Kaya dapat maging maingat tayo sa lahat nang ating mga pananalita, mga pictures, at maging sa ating ekspresyon. Tandaan na maaaring mabasa ang mga ito ng samut-saring uri ng tao — mga kamag-anak, mga kaibigan, maging ng ating mga employer. Tandaan na kung ano ang ating reputasyon online, ganun din ang kanilang magiging pagkilala sa atin sa tunay na buhay.
Hanggat maaari, iwasang mag-post ng masyadong pribadong mga topiko, maseselang litrato at video, at huwag mag-post ng nakakasakit o nakakaoffend sa ibang tao lalo na ang patungkol sa kasarian, relihiyon, at pulitika.
- Ang social media ay lugar para sa pagkakaibigan at pagkakaunawaan
Ang social media ay nilikha upang paigtingin ang ating koneksyon sa ating mga mahal sa buhay, kaibigan, sa pamayanan, at maging sa kabuuan ng lipunan. Ang Facebook, Twitter, Instagram, at iba pa, ay lugar para sa pagkakaibigan at pagkakaunawaan.
Maaring dumating minsan ang punto na magkasalungat ang ating mga pananaw sa iba’t ibang mga bagay subalit tandaan natin na karapatan ng bawat isa ang magpahayag ng paniniwala at saloobin. Hindi ito masama. Mas mainam nga na nakikipag-kuru-kuro tayo. Importante lang na manaig ang respeto sa mga pagkakaiba nating ito.
Kung masyado nang mainit ang usapan, bakit hindi mo yayaing magkape ang iyong kaibigan at pag-usapan ang inyong mga punto sa tunay na buhay? Iba pa rin ang face-to-face na pag-uusap.
- Ugaliing basahin nang buo at maigi ang nilalaman ng article bago magkomento o magshare
Minsan maysado na tayong nasanay sa instant: instant noodles, instant coffee, instant lahat. Minsang pati sa mga bagay na nakikita natin online, gusto na rin natin ng madalian at mabilisan. Kung kaya, maraming beses tayong napapaso dala ng pag-react sa headline lamang.
Tandaan natin na importante ang pagbabasa at pag-unawa nang lubusan sa mga bagay na nakikita natin sa internet.
Kapag hindi lubusang naintindihan ang nababasa o nakikitang mga imahe, mas mainam na magtanong sa nakaka-alam, o mga eksperto sa topiko. Magtanong sa mga kaibigan, kamag-anak, guro, o mga otoridad na may mas malawak na kaalaman sa topiko ng article o litrato.
- Iwasang mag share ng hindi beripikadong mga article o memes
Karugtong ng nasa itaas, tandaan natin na importanteng totoo at beripikado ang mga impormasyon na ating sine-share sa social media. Alamin kung totoo at batay lamang sa katotohanan ang nilalaman ng articles at mga larawan.
May mga artikulong nais lamang magbigay ng komentaryo sa pamamagitan ng pagpapatawa. Ang tawag sa mga ito ay lampoon, parody, o satire. Maging maingat sa pagkilala at pagbasa nang mga ito.
Tandaan natin na may iba pang mga websites na ang tanging pakay lamang ay manlinlang at magpakalat ng hindi totoong mga impormasyon. Iwasan natin ang mga ito.
Maaring sa pagse-share natin ng maling impormasyon ay makasakit tayo ng ibang tao, maging dahilan ng panic, o di kaya’y maging sanhi ng kaguluhan sa atin lipunan. Ayaw nating mangyari ito.
- Maging responsable sa lahat nang oras
Kailangan pa bang i-memorize ‘yan? OO. Kailangang i-memorize ito at paulit-ulit nating tandaan na ang responsableng pag-gamit ng social media ay ang tanging solusyon upang maibalik natin ang kaayusan at katiwasayan online. Ang pagiging responsable online ay nag-uugat sa dalawang bagay lamang: katotohanan at pag-galang.
Kung ang bawat isa sa atin ay responsable sa ating pag-aasal sa social media, maiiwasan natin ang bangayan, hindi pagkaka-uunawaan, siraan, at pagkaka-watak-watak.
Gamitin natin ang social media nang tama. Gamitin natin ito upang linangin an gating pakikipag-kapwa tao. Gamitin natin ito upang tayo ay matuto. Gamitin natin ang Facebook, Twitter, at Instagram upang mas mapabuti pa ang ating pamumuhay.
Ken Lerona