Tanging ang mayroong balidong permit to stay lamang ang maaaring malayang makapag-bakasyon sa Pilipinas o sa ibang bansang sakop ng Schengen na walang anumang alalahanin ngayong summer vacation. Samantala, sa Italya lamang ang bakasyon ng sinumang naghihintay ng Regularization.
Roma, Hulyo 23, 2014 – Ang sinumang nagpa-planong magbakasyon sa Pilipinas ngayong Agosto sa panahon ng ferie ay pinapayuhang silipin muna ang sitwasyon ng sariling permit to stay bago ang tuluyang mag-plano ng bakasyon.
Ang may balidong permit to stay ay maaaring magbakasyon sa Pilipinas at bumalik sa bansang Italya basta’t dala lamang ang orihinal na permit to stay.
Maaari ring mag-bakasyon ng ilang araw na hindi nangangailangan ng entry visa sa Schengen countries tulad ng Belgium, France, Germany, Luxembourg, Netherlands, Portugal, Spain, Austria, Greece, Denmark, Finland, Sweden, Iceland, Norway, Slovenia, Estonia, Latvia, Lithuania, Poland, Czech Republic, Slovakia, Hungary, Malta at Switzerland.
Samantala kung non-Schengen country naman ang napili, ay dapat alamin kung batay sa international agreement ng bansang Pilipinas ay kinakailangan ito o hindi.
Para naman sa mga naghihintay ng renewal ng permit to stay, ang paglabas at pagbalik sa bansang Italya ay hindi dapat magkaroon ng kahit stop-over sa anumang bansa ng Schengen. Kailangang dala ang pasaporte, ang expired na permit to stay at ang postal receipt na tinatawag na cedolino o tagliandino na ipapakita sa mga boundery.
Ang mga naghihintay naman ng first issuance ng permit to stay para sa subordinate job, gayun din ang para sa self-employment at para sa family reason, ay maaaring magbakasyon sa anumang bansa sa Schengen kung ang entry visa ay “Schengen uniforme” at nananatiling balido sa panahon ng pagbabakasyon at muling pagbalik sa Italya. Kung hindi, ay maaaring lumabas ng Italya sa kundisyong mayroong balidong pasaporte at kasama ang resibo ng post office, ang paglabas at muling pagpasok sa Italya ay walang stop-over sa anumang Schengen countries. Samantala, sa kasong mayroong stop-over sa isa sa mga bansang non-Schengen ay kailangang alamin sa pamamagitan ng konsulado kung pinahihintulitan ito o hindi.
Matapos banggitin ang lahat ng ito, para naman sa lahat ng mga pumirma nà ng contratto di soggiorno ng huling Regularization sa Sportello Unico per l’Immigrazione at ipinadala ang form 209 lakip ang kopya ng contratto di soggiorno, mga pahina ng pasaporte, fiscal code, sertipiko ng idoneità alloggiativa, gayun din ang cessione fabbricato at ang kopya ng dokumento ng employer sa Questura sa pamamagitan ng kilalang kit sa post office, ay maaaring regular na makalabas ng bansang Italya.
Sa paglabas ng Italya ay laging ipinapayo na ugaliing magdala ng kopya ng mga dokumento na ipinadala sa Questura upang maipakita ang patunay ng dahilan ng pananatili sa Italya.
Samantala, hindi pinapayagan ang maglakbay sa Schengen countries hanggang hindi pa nagtataglay ng regular na permit to stay.
Sa halip, ang sinumang naghihintay sa araw ng appointment sa Sportello Unico per l’Immigrazione upang kumpletuhin ang proseso ng Regularization ay hindi maaaring magbakasyon sa sariling bansa dahil hindi maaaring payagan ang muling pagpasok sa bansang Italya dahil hindi pa ganap na tapos ang proseso ng regularization. Ito ay nangangahulugan na kung ang resibo ng pagsusumite ng aplikasyon ay isang balidong dokumento na ang dayuhan ay naghihintay ng pagiging ganap na regular, ang parehong dokumento ay hindi naman balido bilang travel document na magpapahintulot sa dayuhan ang lumabas at muling makapasok ng bansang Italya.