Ang mga ipinanganak sa Italya na dayuhan ang mga magulang ay hindi awtomatikong nagkakaroon ng Italian citizenship at maaaring hilingin ito sa pagsapit ng edad na 18 hanggang sa pagsapit ng 19 anyos lamang .
Ayon sa batas, ang mga ipinanganak sa Italya na dayuhan ang mga magulang ay hindi awtomatikong nagkakaroon ng Italian citizenship bagkus ay nananatili ang citizenship ng mga magulang hanggang sa pagsapit ng 18 taong gulang.
Ang Batas n. 91/92 ukol sa Citizenship ay nagsasabing ang “dayuhang ipinanganak sa Italya, nanirahan ng regular at tuluy-tuloy hanggang 18 taong gulang, ay nagiging mamamayang Italyano kung idedeklara ang paghahangad na magkaroon ng italian citizenship sa loob lamang ng isang taon” (Artikulo 4, talata 2 ng Batas 91/92).
Ito ay nangangahulugan na ang mga banyagang mamamayan na ipinanganak sa Italya at naging regular na residente ay maaaring mag-aplay para sa Italian citizenship sa pagitan ng edad na 18 at 19, at haharap sa Civil Officer ng munisipyo kung saan residente.
Ang citizenship, sa kasong ito, ay ibinibigay ayon sa ‘benepisyo ng batas’ ( o beneficio di legge), at samakatwid ay posible ang maging mamamayang Italyano sa pamamagitan ng isang simpleng deklarasyon ng hangarin (dichiarazione di volontà) na gagawin sa Civil Officer bago sumapit ang ika-19 na taong gulang. Ang tanggapan ng Civil Status, sa sandaling matapos ang pagsusuri sa mga kinakailangan, ay magpapatuloy sa pagtatala sa bagong mamamayan sa civil registry matapos ang panunumpa ng katapatan sa Italian Republic, kasabay ang pagkakaloob ang italian citizenship.
Mga Dokumentong kinakailangan:
• Resibo ng pagbabayad ng halagang € 250 sa account number 809020 sa Ministry of Interior
• Balidong pasaporte
• Kopya ng orihinal na birth certificate ng aplikante
• Permit to stay: sa kasong may patlang ang panahon ng pananatili sa permit to stay, ang aplikante ay maaaring maglahad ng mga dokumento na magpapatunay ng tuluy-tuloy na paninirahan sa Italya (hal: school certificates, medical certificates at iba pa)
• Historical residence certificate. Sa kaso ng late registration ng isang menor de edad sa Munisipyo ay kailangang ipakita ang dokumentasyon na magpapatunay sa pananatili ng menor sa Italya bago pa man ang pagpaparehistro. (hal: medical certificates)
• Mga dokumentasyon (pagella) at/o deklarasyon (dichiarazione di frequenza) mula sa mga pinasukang paaralan mula kindergarten hanggang Liceo.
• Bakuna o libretto di vaccinazione
Ang panahon ng regular na paninirahan ay dapat na makita magmula sa kapanganakan sa Italya, sa pamamagitan ng historical residence certificate na ibinibigay sa registry office at sa taglay na permit to stay.
Bilang pagtatapos, ayon sa talata 2 artikulo 33 ng Batas 98 ng Agosto 9, 2013, ay nasasaad ang obligasyon ng Civil Officer ang magpadala ng komunikasyon na nagtataglay ng mga impormasyon ukol sa karapatang magkaroon ng italian citizen, anim na buwan bago sumapit ang ika-18 anyos sa address kung saan residente ang dayuhan.
May pagbabago ba sa Batas ng Citizenship ng mga ipinanganak sa Italya sa pagpapatupad ng Decreto Salvini?
Para sa mga dayuhang ipinanganak sa Italya ay walang pagbabago sa Batas ng Citizenship sa pagpapatupad ng Decreto Salvini maliban sa halaga ng kontribusyon na tumaas sa € 250,00 na dating €200,00 lamang.