Karaniwang awtomatikong ipinapadala ng Agenzia dell’Entrate ang bagong tessera sanitaria bago sumapit ang expiration nito. Gayunpaman, sa kasong hindi ito matanggap ng italyano o dayuhan man, ay kinakailangang gawin ang renewal nito.
Bagaman ito ay maituturing na isang anomalya, ipinapayong gawin agad ang renewal ng tessera sanitaria sa ASL na kinasasakupan.
Ano ang Tessera Sanitaria?
Ang Tessera Sanitaria ay isang mahalagang dokumento upang matanggap ang mga health services ng SSN o Servizio Sanitario Nazionale. Ito ay kinakailangan din upang mai-rehistro ang pagbili ng mga gamot o medical check-ups para sa Dichiarazione dei Redditi. At bukod sa access sa health services sa bansa, ang tessera sanitaria ay ginagamit din bilang kahalili ng codice fiscale.
Ang validity ng tessera sanitaria ay karaniwang anim na taon. Ngunit may pagkakataon, tulad ng pagpapalit ng medico di base sa ibang rehiyon, na nagiging sanhi ng pagbabago ng validity. Para sa mga dayuhan, ang validity ng tessera sanitaria ay katulad ng validity ng hawak na permesso di soggiorno.
Gayunpaman, mainam na malaman muna ang estado ng tessera sanitaria sa pamamagitan ng sistema TS. Sa ilalim ng seksyong “Verifica dello stato della Tessera Sanitaria”, sa link na ito: https://sistemats1.sanita.finanze.it/portale/verificare-lo-stato-della-ts/cns
Gamit ang codice fiscale ay malalaman kung:
- “Non sono presenti Tessere Sanitarie“. Walang Tessera Sanitaria sa ilalim ng iyong pangalan at kailangang magtungo sa kinasasakupang ASL;
- “E’ in corso di emissione“. Kinakailangan ang maghintay upang matapos ang paggawa nito at ipapadala ito sa address na tinitirahan;
- “E’ spedita“. Ito ay naipadala na ng Agenzia dell’Entrate sa address na tinitirahan.
Maaari ring tumawag sa numero verde 800 030 070, mula Lunes hanggang Sabado, mula 8am hanggang 8pm.
Renewal ng Tessera Sanitaria sa kasong expired ang Permit to Stay
Sa kasong expired ang permit to stay, ang dayuhan ay kailangang isumite sa ASL o local health service ang dokumentasyon na nagpapatunay ng renewal ng permit to stay tulad ng ‘cedolino’. Bukod sa resibo ng postal office, codice fiscale o tax code at balidong dokumento.
Ang pagkakaroon ng mga papeles na ito, ang ASL ay pinananatili ang iscrizione temporanea o temporary registration ng anim na buwan ng aplikante. Sa ganitong paraan nananatili ang pagkakatala ng dayuhan at karapatang matanggap ang health assistance.
Matapos ang renewal at pagnakuha na ang permit to stay, ang dayuhan ay magdadala ng kopya nito sa Asl. Ang tanggapan ay magpapatuloy sa pagtatala. Magbibigay din ito ng bagong health card na may parehong validity ng bagong permesso di soggiorno.
Paalala: Habang nasa renewal ang permit to stay per lavoro o per motivi familiari, nananatili ang iscrizione obbligatoria ng aplikante sa servizio sanitario nazionale, habang ang sinumang gumawa ng iscrizione volontaria, halimbawa, dahil nasa Italya dahil sa pag-aaral, ay kailangang muling gawin ang prosesong ginawa sa unang pagpapatala sa servizo sanitario nazionale.
Renewal online ng Tessera Sanitaria, maaari ba?
Oo. Ang renewal ng Tessera Sanitaria ay maaari ding gawin online. Ngunit tandaan na ang sistemang pangkalusugan sa bansa ay nasa pangangalaga ng mga rehiyon. Bawat rehiyon ay maaaring magkaroon ng sariling sistema sa renewal ng nabanggit na dokumento. O maaaring hindi pa lahat ng rehiyon ay handa sa pagkakaroon ng updated system. Bukod dito, sumasailalim din sa pagbabago o aggiornamento ang mga public services online sanhi sa pagpapatupad ng SPID o ang Sistema Publlica di Identità Digitale na obligado na sa pagpasok ng taong 2021. (PGA)