in

Faqs ukol sa UNCLOS Arbitral Tribunal Proceedings Laban Sa Tsina

1. Bakit natin pinapaharap ang Tsina sa isang arbitral tribunal?

Ang pinagbabatayang 9-dash line ng Tsina ay sumasaklaw sa halos buong West Philippine Sea (WPS). Tungkulin nating manindigan laban sa hindi-makatarungang pag-aangkin ng Tsina upang ipagtanggol ang ating pambansang teritoryo at karagatan.

2. Bakit natin kailangang gawin ito ngayon?

Matapos ang lahat ng nakalipas nating mga hakbang, naniniwala kaming panahon na upang kumilos. Kung hindi pa tayo kikilos ngayon, hahantong ito sa pagkaka-default natin.

3. Ano ang batayan ng ating legal na pagkilos?

Ang legal nating pagkilos ay alinsunod sa konstitusyunal na mandato ng Pangulo upang isulong at itaguyod ang pambansang interes at ipagtanggol ang ang ating pambansang teritoryo at karagatan. Sinusunod din nito ang "rules-based approach" batay sa internasyonal na mga batas, lalo na ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), upang malutas ang mga hindi pagkakaunawaan sa WPS.

4. Ano ang aasahan nating ibubunga ng arbitral tribunal?

Umaasa kaming sa pag-aakyat sa arbitral tribunal, maaatasan ang Tsina, alinsunod sa mga internasyonal na batas, na igalang ang ating soberenya, karapatan at kapangyarihan bilang nagmamay-ari ng ating exclusive economic zone (EEZ), continental shelf, contiguous zone, at teritoryal na karagatan na saklaw ng WPS, at huminto sa anumang gawain o pagkilos na lumalabag sa ating mga karapatan.

5. Paano ang mangyayaring proseso ng arbitrasyon?

Sa ilalim ng Annex VII ng UNCLOS, nagsisimula ang arbitrasyon sa pamamagitan ng pag-aabiso sa partidong sangkot sa hindi pagkakaunawaan, at ang pagsasalaysay ng mga katotohanan kung saan nakabatay ang inihaing abiso.

Alinsunod sa prosesong ito, ipinasa ng Pilipinas, sa pamamagitan ng DFA, ang isang Note Verbale sa Ambassador ng Tsina sa Maynila nitong ika-22 ng Enero 2013, at ipinapaalam sa Tsina na dinala ng Pilipinas ang isyu sa hindi pagkakaunawaan sa WPS sa isang arbitral tribunal sa ilalim ng Annex VII ng UNCLOS.

Ang susunod na hakbang ay ang pagbuo ng isang 5-member arbitration panel. Oras na mabuo ito, ihaharap ng magkabilang panig ang kanilang mga dokumentong susuporta sa kanilang kaso.

6. Wala na bang ibang maaaring gawin maliban sa pagsampa ng kaso sa arbitral tribunal?

Mayroon tayong tatlong paraan ng pagtugon (three tracks) sa problema sa WPS: pulitikal, diplomatiko at legal. Sa ngayon, ang legal na paraan ang nagpapakita ng pinakamatibay na potensyal na matagumpay na ipagtanggol ang ating pambansang interes at teritoryo, batay sa mga internasyonal na batas.

7. Sino ang nagsampa ng kaso at saan ito isinampa?

Ang Pilipinas ang nagsampa ng kasong arbitrasyon laban sa Tsina. Kailangang magkasundo ang Pilipinas at Tsina kung saan gaganapin ng arbitral tribunal ang pagdinig sa kaso.

Sa ilalim ng UNCLOS, maaaring pumili ang mga sangkot sa hindi pagkakaunawaan kung saan nila nais magsampa ng kaso. Maaari itong ihain sa International Court of Justice, sa International Tribunal for the Law of the Sea (ITLOS), sa arbitral tribunal, gayundin sa mga especial na arbitral tribunal. Minarapat ng Pilipinas na dalhin ang kasong ito sa isang arbitral tribunal dahil naniniwala tayong ito na ang pinakaangkop na lugar upang marinig ang hinaing ng Pilipinas laban sa Tsina.

8. Gaano katagal ang mangyayaring paglilitis?

Batay sa mga kasong sumailalim na sa mga international tribunal para sa mga alitang pandagat, ang isang kaso ay umaabot nang mula tatlo hanggang apat na taon.

9. Mananalo ba tayo sa kasong ito?

May matibay tayong kaso sa ilalim ng internasyonal na batas. Gayumpaman, gaya ng anumang legal na hakbang, may iba't ibang mga aspetong dapat isaalang-alang. Ang mahalaga ay ang mailatag natin ang ating kaso laban sa Tsina, at maipagtanggol ang ating pambansang interes at karapatan sa saklaw nating karagatan (maritime domain) sa harap ng isang malayang hukumang pang-internasyunal. Malaki ang gagampanan ng mga internasyonal na mga batas at alituntunin para sa tagumpay natin sa kasong ito.

10. Sino ang mga kinatawan ng Pilipinas para sa kasong ito?

Si Solicitor General Francis H. Jardeleza ang legal na kinatawan ng Pilipinas sa kasong ito. Samantala, si Ginoong Paul Reichler ng Washington law firm na Foley and Hoag ang magsisilbing lead counsel.

11. Bakit hindi nagsasampa ng kaso ang ibang bansa laban sa Tsina?

Kumikilos ang Pilipinas ayon sa pambansang interes at hindi ayon sa kilos o hindi pagkilos ng anumang bansa.

12. Paano kung tumanggi ang Tsina na lumahok sa arbitrasyon?

Ipagpapatuloy ng Pilipinas ang mga proseso't pamamaraang maaaring magamit sa ilalim ng Annex VII ng UNCLOS upang makamit ang isinaad nating paggawad sa Statement of Claim.

Nakasaad rin sa Annex VII ng UNCLOS ang pagbibigay ng sapilitang paglilitis tungo sa isang hatol na nirerespeto ng magkabilang panig.

13. Ano ang mga susunod na hakbang ng Pilipinas?

Naghahanda na ngayon ang Pilipinas para sa pagbuo ng 5-member arbitration panel at pagkasunduan kung saan gaganapin ang pagdinig sa kaso.

14. Suportado ba kayo ng iba pang sangay ng gobyerno?

Oo, suportado ng tatlong sangay ng pamahalaan ang desisyon ng Pangulong dalhin sa UNCLOS arbitral tribunal ang hindi pagkakaunawaan sa WPS.

15. Ano ang magiging epekto nito sa ugnayang pang-ekonomiya sa pagitan ng Pilipinas at Tsina?

Mananatiling mapayapa ang mangyayaring arbitrasyon, kaya naman umaasa kaming wala itong malubhang epekto sa ating pakikipagkalakalan sa Tsina. Nagkasundo sina Pangulong Aquino at Pangulong Hu Jintao na ipagpatuloy ang pagsusulong ng mga bilateral na agenda, habang ang mga isyung pinag-uugatan ng magkataliwas na pananaw ay tutugunan sa hiwalay na paraan.

Hangad nating mapatibay ang ating ugnayang pang-ekonomiya sa Tsina, subalit hindi dapat maisugal ang ating pambansang soberanya para lamang dito.

16. Ano ang epekto nito sa turismo?

May napakalaking ugnayang pantao (people-to-people engagement) ang Pilipinas at Tsina. Umaasa kaming higit pa itong mapatibay sa pamamagitan ng isang epektibong programang pang-turismo.

17. Ano ang mangyayari sa ating mga OFWs na maaaring maapektuhan ng pagkilos na ito?

Titiyakin ng pamahalaan na magtatag ng sapat na mekanismo upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga OFWs.

18. May impluwensya ba ang mga bansang Estados Unidos at Hapon sa pagkilos na ito?

Wala. Malaya at nag-iisang kumikilos ang Pilipinas para rito.

19. Ano ang opinyon ng iba't ibang sektor sa Pilipinas ukol dito?

Bagamat mayroong iba't ibang pananaw ukol sa isyung ito, kailangang magbuklod ang mga Pilipino upang suportahan ang mandato ng Pangulong bantayan at ipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas at ang pambansang interes.

20. Magsisimula ba ito ng isang hidwaang militar?

Kaibigan natin ang Tsina. Ang arbitrasyon ay isang mapayapang paraan upang isaayos ang gusot o solusyonan ang hindi pagkakaintindihan ng dalawang magkaibigan.

21. Ano ang mangyayari sa ugnayang Pilipinas at Tsina?

Patuloy nating pagbubutihin at pauunlarin ang ating ugnayan sa lahat ng aspeto ng kooperasyon.

22. Maaapektuhan ba ang ASEAN sa pagkilos na ito?

Umaasa tayo sa suporta ng ASEAN sa paghahanap ng mapayapang paraan at ng pangmatagalang solusyon sa hindi-pagkakaunawaang ito. Kailangang pangalagaan ng Pilipinas ang pambansang interes, sa ASEAN man o sa iba pang kapulungan, upang mapaigting ang respeto ng mga katuwang na bansang sumusuporta rin sa ating adhikain.

23. Magpapatuloy ba ang pag-uusap ukol sa Code of Conduct (CoC)?

Oo, patuloy na makikipagtulungan ang Pilipinas sa ASEAN at Tsina sa pagbubuo ng Code of Conduct (CoC) at sa pagsasakatuparan ng mga kasunduan ng ASEAN Member States at ng Tsina sa ilalim ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC).

24. Bakit hindi tayo makiisa sa isang "joint development"kasama ang Tsina?

Ang konsepto ng "joint development," kung ibabatay sa Chinese model, ay isang paglabag sa konstitusyon ng Pilipinas. Kailangang umayon ang konsepto ng "joint development" sa batas ng Pilipinas.

25. Magkano ang aabuting gastos nito sa kaban ng bayan?

Hindi maaaring tapatan ng anumang halaga ang pagsusumikap ng sambayanang Pilipino at ng pamahalaang bantayan at ipagtanggol ang ating teritoryo, pambansang interes at dangal.

26. Bakit kailangang suportahan ng sambayanang Pilipino ang pagkilos na ito?

Kung may isang taong pangahas na nilooban ang iyong bakuran, at walang pakundangang nakawin ang pag-aari mo, hindi ka ba kikilos laban sa nanloob sa iyo? Ang pagkilos natin ay upang ipaglaban ang sarili nating teritoryo at karagatan.

27. Paano makakatulong ang mga Pilipino sa pagtataguyod ng positibong bunga sa inisyatibang ito?

Nasa likod dapat ng Pangulo ang sambayanang Pilipino sa pagtatanggol ng sarili nating pag-aari. Kailangang ipamalas ng bawat isa ang pagmamahal sa bayan. Kailangan nating kapit-bisig na magkaisa upang maipamalas sa buong mundo ang pamumuno ng Pangulo sa usaping ito.

source: Department of Foreign Affairs

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Dalla Zuanna: “Reporma ng pagkamamamayan at bagong panuntunan sa imigrasyon “

Khriencel Faszion, ang patok na online store sa Roma